29. Kung ang isang tao ay may tanda ng nakakahawang sakit sa balat sa ulo o sa baba,
30. dapat ipasuri niya iyon sa pari. Kung iyon ay sugat na nga, at ang buhok o balbas ay naninilaw at madalang ang pagtubo, ipapahayag ng pari na ang taong iyon ay marumi, dahil may sakit siya sa balat na nakakahawa sa ulo o baba.
31. Pero kung sa pagsusuri ng pari ay nakita niya na hindi naman lumalalim ang sugat at wala ng maitim na buhok o balbas, ibubukod siya ng pari sa mga tao sa loob ng pitong araw.
32. At sa ikapitong araw, muling susuriin ng pari ang kanyang sakit sa balat. At kung hindi naman kumalat at hindi rin nagkasugat ang balat at hindi rin naninilaw ang buhok o balbas,
33. dapat niyang kalbuhin ang kanyang buhok o ahitin ang kanyang balbas, maliban sa bahaging may sakit sa balat. At muli siyang ibubukod ng pari ng pitong araw pa.
34. At sa ikapitong araw, muling susuriin ng pari ang kanyang sakit. At kung hindi na kumalat ang sakit sa balat at hindi rin nagkasugat, ipapahayag ng pari na siyaʼy malinis. Kaya lalabhan niya ang kanyang damit, at ituturing na siyang malinis.
35. Pero kung ang sakit sa balat ay muling kumalat sa kanyang katawan pagkatapos na maipahayag ng pari na malinis na siya,
36. muli siyang susuriin ng pari. At kung kumalat na ang sakit sa kanyang balat, hindi na niya kailangang magpasuri pa sa pari kung may buhok o balbas na naninilaw dahil tiyak na marumi siya.
37. Pero kung sa pagsusuri ng pari ay hindi iyon kumalat, at may itim na buhok o balbas na tumutubo, magaling na iyon. Kaya ipapahayag ng pari na siyaʼy malinis.
38. Kung may namumuti sa balat ng isang tao,
39. kinakailangang magpasuri siya sa pari. At kung ang mga namumuting balat ay maputla, iyon ay mga butlig lang na tumutubo sa balat. Kaya ang taong iyon ay ituturing na malinis.
40-41. Kung ang isang tao ay nakakalbo sa bandang noo o sa gitna ng ulo, malinis siya.
42-44. Pero kung may namumula at namamaga sa nakakalbong bahagi ng kanyang ulo, dapat siyang magpatingin sa pari. At kung ang namumula at namamaga ay katulad sa nakakahawang sakit sa balat na tumutubo sa ibang bahagi ng katawan, ipapahayag ng pari na marumi siya.
45. Ang taong may sakit sa balat na nakakahawa ay dapat magsuot ng punit na damit, guluhin niya ang kanyang buhok, at takpan ang ibabang bahagi ng kanyang mukha. At siyaʼy sisigaw, “Akoʼy marumi! Akoʼy marumi!”