Kawikaan 7:16-26 Ang Salita ng Dios (ASND)

16. Sinapinan ko na ang aking higaan ng makulay na telang galing pa sa Egipto.

17. Nilagyan ko iyon ng pabangong mira, aloe, at sinamon.

18. Kaya halika na, doon tayo magpakaligaya hanggang umaga,

19. dahil wala rito ang asawa ko. Naglakbay siya sa malayo.

20. Marami siyang dalang pera at dalawang linggo pa bago siya bumalik.”

21. Kaya naakit niya ang lalaki sa pamamagitan ng kanyang matatamis at nakakaakit na pananalita.

22. Sumunod agad ang lalaki na parang bakang hinihila papunta sa katayan, o tulad ng isang usa na patungo sa bitag,

23. at dooʼy papanain siya na tatagos sa kanyang puso. Para din siyang isang ibon na nagmamadali papunta sa bitag ng kamatayan, ngunit hindi niya ito nalalaman.

24. Kaya mga anak, pakinggan ninyong mabuti ang aking mga sinasabi.

25. Huwag kayong paaakit sa ganyang uri ng babae at huwag ninyong hayaan na kayoʼy kanyang iligaw.

26. Marami na ang mga lalaking napahamak dahil sa kanya.

Kawikaan 7