Kawikaan 6:1-11 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Anak, kapag nangako kang managot sa utang ng iba,

2. at naipit ka sa pangakong iyon,

3. ganito ang gawin mo upang maayos ang pananagutan mo sa kanya: Puntahan mo siya at makiusap na pakawalan ka niya sa iyong pananagutan.

4. Huwag kang titigil na makiusap

5. hanggang sa maging malaya ka, tulad ng isang ibon o usa na nakawala sa isang mangangaso.

6. Kayong mga tamad, tingnan ninyo at pag-aralan ang pamumuhay ng mga langgam upang matuto kayo sa kanila.

7. Kahit na walang namumuno at nag-uutos sa kanila,

8. nag-iipon sila ng pagkain kapag tag-araw at panahon ng anihan, upang may makain sila pagdating ng tag-ulan.

9. Kayong mga tamad, matutulog nang matutulog na lang ba kayo? Kailan kayo gigising?

10. Kaunting tulog, kaunting pahinga at ang paminsan-minsang paghalukipkip ng mga kamay,

11. at hindi ninyo mamamalayan darating ang kahirapan na para kayong ninakawan ng tulisan.

Kawikaan 6