Kawikaan 3:11-28 Ang Salita ng Dios (ASND)

11. Anak, huwag mong mamasamain kapag itinatama ka ng Panginoon upang ituwid ang iyong pag-uugali.

12. Sapagkat itinutuwid ng Panginoon ang ugali ng kanyang mga minamahal, katulad ng ginagawa ng isang ama sa kanyang anak na kinalulugdan.

13. Mapalad ang taong may karunungan at pang-unawa.

14. Higit pa ito sa pilak at ginto,

15. at sa ano pa mang mga mamahaling bato. Walang anumang bagay ang maaaring ipantay dito.

16. Magpapahaba ito ng iyong buhay, magpapaunlad ng iyong kabuhayan at magbibigay sa iyo ng karangalan.

17. Ang karunungan ay magpapabuti ng iyong kalagayan.

18. Mapalad ang taong may karunungan, dahil magbibigay ito ng mabuti at mahabang buhay.

19-20. Sa pamamagitan ng karunungan, nilikha ng Panginoon ang lupa at ang langit, at bumukas ang mga bukal at mula sa mga ulap ay bumuhos ang ulan.

21. Anak, ingatan mo ang iyong karunungan at kaalaman sa pagpapasya ng tama. Huwag mong hayaang mawala ito sa iyo.

22. Sapagkat ito ang magbibigay sa iyo ng mahaba at magandang buhay.

23. Mabubuhay kang ligtas sa anumang kapahamakan.

24. Makakatulog ka nang mahimbing at walang kinakatakutan.

25. Hindi ka dapat matakot kung biglang dumating ang mga pangyayaring nakakatakot o kung lilipulin na ang masasama,

26. dahil makakaasa ka na babantayan ka ng Panginoon at ilalayo sa kapahamakan.

27. Hanggaʼt makakaya mo, tulungan mo ang mga dapat tulungan.

28. Huwag mo nang ipagpabukas pa, kung kaya mo naman silang tulungan ngayon.

Kawikaan 3