Kawikaan 26:15-26 Ang Salita ng Dios (ASND)

15. May mga taong sobrang tamad na kahit ang kumain ay kinatatamaran.

16. Ang akala ng batugan mas marunong pa siya kaysa sa pitong tao na tamang mangatuwiran.

17. Mapanganib ang nanghihimasok sa gulo ng may gulo, ito ay tulad ng pagdakma sa tainga ng aso.

18-19. Ang taong nandaraya sa kanyang kapwa, at saka sasabihing nagbibiro lang siya ay tulad ng isang baliw na pumapana sa mga tao sa pamamagitan ng nakamamatay na palaso.

20. Namamatay ang apoy kung ubos na ang panggatong, natitigil ang away kung wala ng tsismisan.

21. Kung uling ang nagpapabaga at kahoy ang nagpapaliyab ng apoy, ang taong palaaway naman ang nagpapasimula ng gulo.

22. Ang tsismis ay parang pagkaing masarap nguyain at lunukin.

23. Maaaring itago ng magandang pananalita ang masamang isipan, tulad nito ay mumurahing banga na pininturahan ng pilak.

24. Maaaring ang kaaway ay magandang magsalita, ngunit ang nasa isip niya ay makapandaya.

25. Kahit masarap pakinggan ang kanyang pananalita ay huwag kang maniwala, sapagkat ang iniisip niya ay napakasama.

26. Maaaring ang galit ay kanyang maitago, ngunit malalantad din sa karamihan ang masama niyang gawa.

Kawikaan 26