Kawikaan 22:16-29 Ang Salita ng Dios (ASND)

16. Ang nagreregalo sa mayaman o nang-aapi sa mahihirap para yumaman ay hahantong din sa karalitaan.

17. Pakinggan mo ang mga sinasabi ng marurunong. Pakinggan mong mabuti habang itinuturo ko ito sa iyo,

18. dahil magbibigay ito sa iyo ng kaligayahan kung malalaman mo ito at masasaulo.

19. Itinuturo ko ito sa iyo ngayon upang magtiwala ka sa Panginoon.

20. Ang 30 Kawikaang ito na isinulat ko ay magdudulot sa iyo ng mga karunungan at payo.

21. Sa pamamagitan nitoʼy malalaman mo ang mga katotohanan at masasagot mo ang mga magtatanong sa iyo.

22. Huwag mong abusuhin ang mga mahihirap o apihin man sila sa mga hukuman,

23. sapagkat ipagtatanggol sila ng Panginoon. Anuman ang gawin ninyong masama sa kanila ay gagawin din niya sa inyo.

24. Huwag kang makipagkaibigan sa taong madaling magalit,

25. baka mahawa ka sa kanya, at mabulid sa ganoong pag-uugali.

26. Huwag kang mangangako na magbabayad sa utang ng iba,

27. dahil kapag hindi ka nakabayad, kukunin nila pati ang higaan mo.

28. Huwag mong aalisin ang mga muhon na inilagay noon ng mga ninuno mo.

29. Ang taong mahusay magtrabaho ay maglilingkod sa mga hari at hindi sa pangkaraniwang tao.

Kawikaan 22