Kawikaan 22:1-11 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Mas mabuting piliin ang malinis na pangalan kaysa sa maraming kayamanan. Ang paggalang ng tao sa iyo ay mas mahalaga pa kaysa pilak at ginto.

2. Ang Panginoon ang lumikha sa tao, mayaman man o mahirap.

3. Ang taong may pang-unawa ay umiiwas kung may panganib, ngunit ang hangal ay sumusuong sa panganib, kaya napapahamak.

4. Ang paggalang sa Panginoon at pagpapakumbaba ay magdudulot sa iyo ng mahabang buhay, kayamanan at karangalan.

5. Lumalakad ang taong masama sa daang matinik at may mga patibong. Ang nag-iingat sa sarili ay umiiwas sa daang iyon.

6. Ituro sa bata ang tamang pag-uugali, at hindi niya ito malilimutan hanggang sa kanyang pagtanda.

7. Ang mahihirap ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng mayayaman, at ang nangungutang ay alipin ng nagpapautang.

8. Ang naghahasik ng kasamaan ay aani ng kapahamakan, at matitigil na ang kanyang pamiminsala sa iba.

9. Ang nagbibigay ng pagkain sa dukha ay tiyak na pagpapalain.

10. Kapag pinalayas mo ang mga taong nanunuya, mawawala na ang alitan, kaguluhan at pang-iinsulto.

11. Ang taong may malinis na puso at mahinahon magsalita ay magiging kaibigan ng hari.

Kawikaan 22