Kawikaan 19:18-29 Ang Salita ng Dios (ASND)

18. Ituwid mo ang iyong anak habang may panahon pa. Kung hindi mo siya itutuwid, ikaw na rin ang nagpahamak sa kanya.

19. Hayaan mong maparusahan ang taong magagalitin, dahil kapag tinulungan mo siya, uulit-ulitin lang niya ang kanyang ginagawa.

20. Dinggin mo at sundin ang mga payo at pagtutuwid sa iyong pag-uugali, at sa bandang huli ay magiging marunong ka.

21. Marami tayong mga pinaplano, ngunit ang kalooban pa rin ng Panginoon ang masusunod.

22. Ang gusto natin sa isang tao ay matapat. Mas mabuti pang maging mahirap kaysa maging sinungaling.

23. Ang pagkatakot sa Panginoon ay magdudulot ng mahabang buhay, kasapatan, at kaligtasan sa kapahamakan.

24. May mga taong sobrang batugan kahit ang kumain ay kinatatamaran.

25. Ang mapanuya ay dapat parusahan para ang mga katulad niya ay matuto na maging marunong. Ang nakakaunawa ay lalong magiging marunong kapag pinagsasabihan.

26. Kahiya-hiya ang anak na malupit sa kanyang ama at pinapalayas ang kanyang ina.

27. Anak, kung hindi ka makikinig sa mga pangaral para maituwid ang iyong pag-uugali, tinatanggihan mo ang mga turo na nagbibigay ng karunungan.

28. Ang sinungaling na saksi ay pinapawalang-kabuluhan ang katarungan, at ang bibig ng masama ay nalulugod sa pagpapahayag ng kasamaan.

29. Sa mga mapanuya ay may hatol na nakalaan, at hagupit naman ang nakahanda para sa mga hangal.

Kawikaan 19