Kawikaan 19:10-19 Ang Salita ng Dios (ASND)

10. Hindi bagay sa taong mangmang ang mamuhay sa karangyaan, at mas lalong hindi bagay sa isang alipin ang mamuno sa mga pinuno.

11. Kung ikaw ay mahinahon, nagpapakita lang na marunong ka. At kung pinapatawad mo ang nagkasala sa iyo, makapagdudulot ito ng karangalan sa iyo.

12. Ang galit ng hari ay parang atungal ng leon, ngunit ang kanyang kabutihan ay tulad ng hamog na bumabasa sa mga halaman.

13. Ang anak na hangal ay nagdudulot ng kapahamakan sa kanyang ama. Ang bungangerang asawa ay nakakainis tulad ng tulo sa bubungan.

14. Bahay at kayamanan sa magulang ay namamana, ngunit ang Panginoon lang ang nagbibigay ng matalinong asawa.

15. Kung ikaw ay tamad at tulog lang nang tulog, magugutom ka.

16. Mabubuhay nang matagal ang taong sumusunod sa utos ng Dios, ngunit ang hindi sumusunod ay mamamatay.

17. Kapag tumutulong ka sa mahirap, para kang nagpapautang sa Panginoon, dahil ang Panginoon ang magbabayad sa iyo.

18. Ituwid mo ang iyong anak habang may panahon pa. Kung hindi mo siya itutuwid, ikaw na rin ang nagpahamak sa kanya.

19. Hayaan mong maparusahan ang taong magagalitin, dahil kapag tinulungan mo siya, uulit-ulitin lang niya ang kanyang ginagawa.

Kawikaan 19