Kawikaan 15:18-31 Ang Salita ng Dios (ASND)

18. Ang taong mainitin ang ulo ay nagpapasimula ng gulo, ngunit ang taong mahinahon ay tagapamayapa ng gulo.

19. Kung ikaw ay tamad, buhay mo ay maghihirap, ngunit kung ikaw ay masipag, buhay mo ay uunlad.

20. Ang anak na marunong ay ligaya ng magulang, ngunit ang anak na hangal ay hinahamak ang magulang.

21. Ang taong walang pang-unawa ay nagagalak sa kamangmangan, ngunit ang may pang-unawa ay namumuhay nang matuwid.

22. Mabibigo ka kapag hindi ka humihingi ng payo tungkol sa iyong mga pinaplano, ngunit kapag marami kang tagapayo magtatagumpay ang mga plano mo.

23. Nagagalak ang tao kapag akma ang sagot niya. Mas nagagalak siya kung nakakasagot siya sa tamang pagkakataon.

24. Ang taong marunong ay daan patungo sa buhay ang sinusundan at iniiwasan niya ang daan patungo sa kamatayan.

25. Wawasakin ng Panginoon ang bahay ng hambog, ngunit iingatan niya ang lupain ng biyuda.

26. Kinasusuklaman ng Panginoon ang iniisip ng masasamang tao, ngunit nagagalak siya sa iniisip ng mga taong may malinis na puso.

27. Ang taong yumaman sa masamang paraan ay nagdudulot ng kaguluhan sa kanyang sambahayan. Mabubuhay naman nang matagal ang taong hindi nasusuhulan.

28. Ang taong matuwid ay pinag-iisipan muna ang sasabihin, ngunit ang taong masama ay basta na lamang nagsasalita.

29. Malayo ang Panginoon sa masasama, ngunit malapit siya sa mga matuwid at pinapakinggan niya ang kanilang dalangin.

30. Ang masayang mukha ay nagbibigay ng tuwa at nagpapasigla ang magandang balita.

31. Ang taong nakikinig sa mga turo ng buhay ay maibibilang sa mga marurunong.

Kawikaan 15