1. Ang malumanay na sagot ay nakakapawi ng poot, ngunit lalong nakakapagpagalit ang pabalang na sagot.
2. Ang salita ng taong marunong ay nagpapahiwatig ng karunungan, ngunit ang salita ng hangal ay nagpapakita ng kahangalan.
3. Nakikita ng Panginoon ang lahat ng lugar. Minamasdan niya ang ginagawa ng masasama at ng mga matuwid.
4. Ang malumanay na pananalita ay nakapagpapasigla ng kalooban ng tao, ngunit ang masakit na salita ay nakakasugat ng puso.
5. Hindi pinapansin ng taong hangal ang pagtutuwid ng kanyang ama, ngunit ang taong marunong, sumusunod sa mga paalala sa kanya.
6. Dadami ang kayamanan sa tahanan ng mga matuwid, ngunit anumang pag-aari ng masasama ay mawawala.
7. Ikinakalat ng marunong ang kanyang karunungan, ngunit hindi ito magawa ng mangmang.
8. Kasuklam-suklam sa Panginoon ang handog ng masasama, ngunit kalugod-lugod sa kanya ang panalangin ng mga matuwid.
9. Kinamumuhian ng Panginoon ang taong ang gawain ay masama, ngunit ang taong nagsusumikap na gumawa ng matuwid ay minamahal niya.
10. Minamasama ng taong naliligaw ng landas kapag itinutuwid siya. Ang taong umaayaw sa mga pagtutuwid ay mamamatay.
11. Kung alam ng Panginoon ang nangyayari sa daigdig ng mga patay, lalo namang alam niya ang nasa puso ng mga buhay.
12. Ang taong nangungutya ay ayaw ng sinasaway; ayaw ding tumanggap ng payo mula sa taong may karunungan.
13. Kapag ang tao ay masaya, nakangiti siya, ngunit kapag ang tao ay malungkot, mukha niya ay nakasimangot.
14. Ang taong may pang-unawa ay naghahangad pa ng karunungan, ngunit ang taong hangal ay naghahangad pa ng kahangalan.
15. Ang buhay ng mga dukha ay palaging mahirap, ngunit kung makokontento lang sila ay palagi silang magiging masaya.
16. Mas mabuti pang maging mahirap na may takot sa Panginoon, kaysa maging mayaman na ang buhay ay puno ng kaguluhan.