Kawikaan 12:1-11 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Ang taong tumatanggap ng pagtutuwid sa kanyang pag-uugali ay nagnanais ng karunungan, ngunit ang taong ayaw tumanggap ay hangal.

2. Ang mabuting tao ay kinalulugdan ng Panginoon, ngunit ang taong nagpaplano ng masama ay kanyang pinarurusahan.

3. Ang taong gumagawa ng masama ay walang katatagan, ngunit ang taong matuwid ay matatag tulad ng isang punongkahoy na malalim ang ugat.

4. Ang mabuting maybahay ay kasiyahan at karangalan ng kanyang asawa, ngunit parang kanser sa buto ang nakakahiyang asawa.

5. Ang iniisip ng taong matuwid ay tama, ngunit ang mga payo ng taong masama ay pandaraya.

6. Ang salita ng taong masama ay nakamamatay, ngunit ang salita ng taong matuwid ay nakapagliligtas.

7. Mapapahamak at maglalaho ang mga taong masama, ngunit mananatili ang lahi ng mga taong matuwid.

8. Pinararangalan ang taong may karunungan, ngunit hinahamak ang taong masama ang kaisipan.

9. Mas mabuti ang taong simple pero kayang magbayad ng katulong kaysa sa taong nagkukunwaring mayaman ngunit kahit makain ay wala naman.

10. Ang taong matuwid ay mabait sa kanyang mga alagang hayop, ngunit ang taong masama ay malupit at walang awa sa kanyang mga hayop.

11. Ang magsasakang masipag ay laging sagana sa pagkain, ngunit ang walang sapat na pang-unawa ay nagsasayang ng oras sa mga walang kabuluhang gawain.

Kawikaan 12