17. Kung mabait ka para iyon sa iyong kabutihan, ngunit kung malupit ka para iyon sa iyong kapahamakan.
18. Ang masamang tao ay hindi tatanggap ng tunay na gantimpala, ngunit ang gumagawa ng matuwid ay tatanggap ng tunay na gantimpala.
19. Ang taong gumagawa ng matuwid ay patuloy na mabubuhay, ngunit ang taong gumagawa ng masama ay mamamatay.
20. Kasuklam-suklam sa Panginoon ang pag-iisip ng masama, ngunit ang buhay na matuwid ay kalugod-lugod sa kanya.
21. Ang taong masama, tiyak na parurusahan, ngunit ang matuwid ay makakaligtas.
22. Ang magandang babaeng hindi marunong magpasya ay parang isang gintong singsing sa nguso ng baboy.
23. Ang ninanais ng matuwid ay pawang kabutihan, ngunit ang ninanais ng masama ay nagdudulot ng kaguluhan.
24. Ang mga taong mapagbigay ay lalong yumayaman, ngunit ang mga taong sakim ay hahantong sa kahirapan.
25. Ang taong mapagbigay ay magtatagumpay sa buhay; ang taong tumutulong ay tiyak na tutulungan.
26. Isinusumpa ang taong nagtatago ng paninda para maitinda ito kapag mataas na ang presyo, ngunit pinupuri ang taong hindi nagtatago ng paninda.
27. Ang taong naghahanap ng kabutihan ay makakatagpo nito, ngunit ang taong naghahanap ng gulo ay makakatagpo rin ng gulo.
28. Mabibigo ang taong nagtitiwala sa kanyang kayamanan, ngunit ang taong matuwid ay lalago na parang sariwang halaman.
29. Ang mga hangal na nagdadala ng gulo sa sariling tahanan ay walang mamanahin sa huli. Magiging alipin lang sila ng mga taong may karunungan.
30. Ang ginagawa ng mga taong matuwid ay makakatulong sa iba upang mapabuti at mapahaba ang kanilang buhay. At madadala niya ang mga tao sa pamamagitan ng kanyang karunungan.
31. Ang mga ginagawa ng mga taong matuwid dito sa mundo ay ginagantihan ng kabutihan, gayon din sa makasalanan at hindi kumikilala sa Dios, ganti sa kanila ay kaparusahan.