12. Ang galit ay nagpapasimula ng kaguluhan, ngunit ang pag-ibig ay nagpapatawad ng lahat ng kasalanan.
13. Nagsasalita ng karunungan ang taong may pang-unawa, ngunit ang walang pang-unawa ay nagsasalita tungo sa kanyang kapahamakan.
14. Nagdadagdag ng kaalaman ang taong may karunungan, ngunit ang mga hangal ay nagsasalita tungo sa kanyang kapahamakan.
15. Seguridad ng mayaman ang kanyang kayamanan, ngunit kapahamakan naman ng mahirap ang kanyang kahirapan.
16. Ang gantimpala ng matuwid ay maganda at mahabang buhay, ngunit ang gantimpala ng masama ay kaparusahan.
17. Ang taong nakikinig sa pagtutuwid sa kanyang pag-uugali ay mapapabuti at hahaba ang buhay, ngunit ang taong hindi nakikinig ay maliligaw ng landas.
18. Ang nagkikimkim ng galit ay sinungaling, at ang naninira sa kanyang kapwa ay hangal.
19. Ang taong masalita ay madaling magkasala. Ang tao namang marunong ay pinipigilan ang kanyang dila.
20. Ang salita ng matuwid ay mahalaga tulad ng pilak, ngunit ang isip ng masama ay walang kabuluhan.
21. Sa salita ng matuwid marami ang nakikinabang, ngunit ang mga hangal ay mamamatay dahil walang pang-unawa.
22. Ang pagpapala ng Panginoon ay nagpapayaman at hindi niya ito dinadagdagan ng anumang kalungkutan.
23. Ang kaligayahan ng hangal ay ang paggawa ng kasamaan, ngunit ang kaligayahan nang nakakaunawa ay ang mamuhay nang may karunungan.
24. Ang kinatatakutan ng taong masama ay mangyayari sa kanya, ang hinahangad naman ng taong matuwid ay makakamit niya.
25. Kapag dumating ang pagsubok sa buhay na parang bagyo, maglalaho ang taong masama, ngunit mananatiling matatag ang taong matuwid.
26. Ang tamad na kinukunsumi ang kanyang amo ay gaya ng suka na nakakangilo at ng usok na nakakaluha.