3. Sa pamamagitan din nitoʼy magiging disiplinado ka, dahil itinuturo nito ang matuwid na paraan ng pamumuhay, mabuting pag-uugali, paggawa ng tama, at pagiging makatarungan.
4. Makapagbibigay ito ng karunungan sa mga walang kaalaman at sa kabataaʼy magtuturo ng tamang pagpapasya.
5. Sa pakikinig nito, ang marunong ay lalong magiging marunong at ang may pinag-aralan ay magiging dalubhasa,
6. upang maunawaan nila ang kahulugan ng mga kawikaan, mga talinghaga, at mga bugtong ng marurunong.
7. Ang pagkatakot sa Panginoon na may paggalang ang simula ng karunungan. Ngunit sa hangal, walang halaga ang karunungan at ayaw niyang maturuan upang maituwid ang kanyang pag-uugali.
8. Anak, dinggin mo ang turo at pagtutuwid sa iyong pag-uugali ng iyong mga magulang,
9. dahil itoʼy makapagbibigay sa iyo ng karangalan katulad ng koronang gawa sa bulaklak at makapagpapaganda katulad ng kwintas.
10. Anak, huwag kang padadala sa panghihikayat ng mga taong makasalanan.
11. Huwag kang sasama kapag sinabi nilang, “Halika, sumama ka sa amin! Mag-abang tayo ng sinumang papatayin kahit walang dahilan.
12. Kahit nasa kasibulan pa ng kanilang buhay, patayin natin sila para matulad sila sa mga taong pumunta sa lugar ng mga patay.
13. Makakakuha tayo sa kanila ng mga mamahaling ari-arian, at pupunuin natin ang ating mga bahay ng ating mga nasamsam.