Juan 9:15-27 Ang Salita ng Dios (ASND)

15. Kaya tinanong din siya ng mga Pariseo kung paano siya nakakita. At sinabi ng lalaki, “Nilagyan ni Jesus ng putik ang mga mata ko. Naghilamos ako, at pagkatapos ay nakakita na ako.”

16. Sinabi ng ilang Pariseo, “Hindi mula sa Dios ang taong gumawa nito, dahil hindi niya sinusunod ang utos tungkol sa Araw ng Pamamahinga.” Pero sinabi naman ng iba, “Kung makasalanan siya, paano siya makakagawa ng ganitong himala?” Hindi magkasundo ang mga opinyon nila tungkol kay Jesus.

17. Kaya tinanong ulit ng mga Pariseo ang dating bulag, “Ano ang masasabi mo tungkol sa kanya, dahil pinagaling ka niya?” Sumagot ang lalaki, “Isa po siyang propeta.”

18. Pero ayaw pa ring maniwala ng mga pinuno ng mga Judio na siya nga ang dating bulag na ngayon ay nakakakita na. Kaya ipinatawag nila ang mga magulang niya

19. at tinanong, “Anak nʼyo ba ito? Totoo bang ipinanganak siyang bulag? Bakit nakakakita na siya ngayon?”

20. Sumagot ang mga magulang, “Anak nga po namin siya, at ipinanganak nga siyang bulag.

21. Pero hindi namin alam kung paano siya nakakita at kung sino ang nagpagaling sa kanya. Siya na lang po ang tanungin ninyo. Nasa tamang edad na siya, at kaya na niyang sumagot para sa sarili niya.”

22. Ito ang sinabi ng mga magulang ng lalaki dahil sa takot sa mga pinuno ng mga Judio. Sapagkat napagkasunduan na ng mga pinuno ng mga Judio na ang sinumang kikilala kay Jesus bilang Cristo ay hindi na tatanggapin sa sambahan nila.

23. Kaya ganito ang isinagot ng mga magulang: “Nasa tamang edad na siya. Siya na lang po ang tanungin ninyo.”

24. Kaya ipinatawag nila ulit ang dating bulag at sinabi sa kanya, “Sumumpa ka sa harap ng Dios na sasabihin mo ang totoo! Alam naming makasalanan ang taong iyon!”

25. Sumagot ang lalaki, “Hindi ko po alam kung makasalanan siya o hindi. Ang alam ko lang ay dati akong bulag, pero nakakakita na ngayon.”

26. Tinanong pa nila ang lalaki, “Ano ang ginawa niya sa iyo? Paano ka niya pinagaling?”

27. Sumagot siya, “Sinabi ko na po sa inyo, pero ayaw naman ninyong maniwala. Bakit gusto ninyong marinig ulit ang sagot ko? Gusto po ba ninyong maging mga tagasunod niya?”

Juan 9