Juan 8:43-57 Ang Salita ng Dios (ASND)

43. Hindi nʼyo maintindihan ang sinasabi ko dahil hindi nʼyo matanggap ang aral ko.

44. Ang diyablo ang inyong ama. At kung ano ang gusto niya, iyon ang ginagawa ninyo. Siyaʼy mamamatay-tao mula pa sa simula, at ayaw niya ng katotohanan dahil walang katotohanan sa kanya. Likas sa kanya ang pagsisinungaling dahil sinungaling siya, at siya ang pinagmumulan ng lahat ng kasinungalingan.

45. Ngunit ako, pawang katotohanan ang mga sinasabi ko, at ito ang dahilan kung bakit ayaw ninyong maniwala.

46. Sino sa inyo ang makakapagsabi na nakagawa ako ng kasalanan? Wala! Bakit ayaw nʼyo akong paniwalaan kung katotohanan ang sinasabi ko?

47. Ang mga anak ng Dios ay nakikinig sa salita ng Dios. Ngunit hindi kayo mga anak ng Dios kaya hindi kayo nakikinig.”

48. Sinabi ng mga Judio kay Jesus, “Tama nga ang sinabi naming isa kang Samaritano at sinasaniban ng masamang espiritu.”

49. Sumagot si Jesus, “Hindi ako sinasaniban ng masamang espiritu. Pinararangalan ko lang ang aking Ama, ngunit ipinapahiya ninyo ako.

50. Hindi ko hinahangad ang sarili kong karangalan. Ang Ama ang naghahangad na parangalan ako ng mga tao, at siya ang makapagpapasya na tama ang mga sinasabi ko.

51. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sinumang sumusunod sa mga aral ko ay hindi mamamatay.”

52. Sinabi ng mga pinuno ng mga Judio, “Sigurado na kami na sinasaniban ka nga ng demonyo. Si Abraham ay namatay at ganoon din ang mga propeta, pero sinasabi mong hindi mamamatay ang sinumang sumusunod sa aral mo.

53. Mas dakila ka pa ba sa ama naming si Abraham? Kahit siya at ang mga propeta ay namatay! Sino ka ba sa akala mo?”

54. Sumagot si Jesus, “Kung ako lang ang magpaparangal sa sarili ko, wala itong saysay. Ngunit ang Ama, na sinasabi nʼyong Dios ninyo, ang siyang magpaparangal sa akin.

55. Hindi nʼyo siya kilala. Ngunit ako, kilala ko siya. Kung sasabihin kong hindi ko siya kilala, magiging sinungaling akong tulad ninyo. Ngunit kilala ko talaga siya at tinutupad ko ang kanyang salita.

56. Natuwa ang ama ninyong si Abraham nang malaman niyang makikita niya ang aking kapanahunan. Nakita nga niya ito, at natuwa siya.”

57. Sinabi ng mga pinuno ng mga Judio sa kanya, “Wala ka pang 50 taon, paano mo nasabing nakita mo na si Abraham?”

Juan 8