35. Ang alipin ay hindi namamalagi sa isang pamilya sa habang panahon, ngunit ang anak ay namamalagi magpakailanman.
36. Kaya kung ang Anak ng Dios ang magpapalaya sa inyo, talagang magiging malaya kayo.
37. Alam kong galing kayo sa lahi ni Abraham, pero tinatangka ninyo akong patayin dahil ayaw ninyong tanggapin ang mga itinuturo ko.
38. Sinasabi ko sa inyo ang mga bagay na nakita ko sa aking Ama, ngunit ginagawa naman ninyo ang narinig ninyo sa inyong ama.”
39. Sinabi ng mga tao, “Si Abraham ang aming ama!” Sumagot si Jesus, “Kung totoong mga anak kayo ni Abraham, tinutularan sana ninyo ang mabubuting gawa niya.
40. Ngunit tinatangka ninyo akong patayin, kahit sinasabi ko lang sa inyo ang mga katotohanang narinig ko mula sa Dios. Hindi ginawa ni Abraham ang mga ginagawa ninyo.
41. Ang mga ginagawa nʼyo ay katulad ng ginagawa ng inyong ama.” Sumagot sila kay Jesus, “Hindi kami mga anak sa labas. Ang Dios ang aming Ama.”
42. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung ang Dios nga ang inyong Ama, mamahalin sana ninyo ako, dahil nanggaling ako sa Dios. Hindi ako naparito sa sarili kong kagustuhan, kundi sinugo ako ng Dios.
43. Hindi nʼyo maintindihan ang sinasabi ko dahil hindi nʼyo matanggap ang aral ko.