2. Kinabukasan, maaga pa ay bumalik na si Jesus sa templo. Maraming tao ang lumapit sa kanya, kaya umupo siya at nangaral sa kanila.
3. Dumating ang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo na may dalang babae na nahuli sa pangangalunya. Pinatayo nila ang babae sa harap ng mga tao,
4. at sinabi nila kay Jesus, “Guro, ang babaeng itoʼy nahuli sa pangangalunya.
5. Ayon sa Kautusan ni Moises, ang mga babaeng tulad niyaʼy dapat batuhin hanggang sa mamatay. Anong masasabi mo?”
6. Itinanong nila ito upang hanapan ng maipaparatang laban sa kanya. Pero yumuko lang si Jesus at sumulat sa lupa sa pamamagitan ng kanyang daliri.
7. Pero paulit-ulit silang nagtanong, kaya tumayo si Jesus at sinabi sa kanila, “Kung sino sa inyo ang walang kasalanan ay siya ang maunang bumato sa kanya.”
8. At muli siyang yumuko at nagsulat sa lupa.
9. Nang marinig nila iyon, isa-isa silang umalis mula sa pinakamatanda, hanggang si Jesus na lang at ang babae ang naiwan.
10. Tumayo si Jesus at sinabi sa babae, “Babae, nasaan na sila? May humatol ba sa iyo?”
11. Sumagot ang babae, “Wala po.” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Hindi rin kita hahatulan. Maaari ka nang umalis, pero huwag ka na muling magkasala.”]
12. Muling nagsalita si Jesus sa mga tao, “Ako ang ilaw ng mundo. Ang sumusunod sa akin ay hindi na mamumuhay sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw na nagbibigay-buhay.”
13. Nang marinig ito ng mga Pariseo, sinabi nila, “Ikaw lang naman ang nagpapatotoo tungkol sa sarili mo, kaya hindi ka paniniwalaan.”
14. Sumagot si Jesus, “Kahit na nagpapatotoo ako tungkol sa aking sarili, ang sinasabi ko ay totoo, dahil alam ko kung saan ako nanggaling at kung saan ako pupunta. Ngunit kayo, hindi ninyo alam kung saan ako nanggaling at kung saan ako pupunta.
15. Humahatol kayo ayon sa pamamaraan ng tao, pero ako ay hindi humahatol kaninuman.
16. Kung hahatol man ako ay tama ang hatol ko, dahil hindi ako humahatol nang mag-isa kundi ako at ang Amang nagsugo sa akin.
17. Hindi baʼt nakasulat sa Kautusan ninyo na kapag tugma ang patotoo ng dalawang saksi, nangangahulugang totoo ang kanilang sinasabi?
18. Nagpapatotoo ako tungkol sa aking sarili, at ang Amang nagsugo sa akin ay nagpapatotoo rin tungkol sa akin.”