Juan 7:1-17 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Pagkatapos nito, nilibot ni Jesus ang Galilea. Iniwasan niyang pumunta sa Judea dahil gusto siyang patayin ng mga pinuno ng mga Judio roon.

2. Nang malapit na ang pista ng mga Judio na tinatawag na Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol,

3. sinabi ng mga kapatid ni Jesus sa kanya, “Bakit hindi ka umalis dito at pumunta sa Judea para makita ng mga tagasunod mo ang mga ginagawa mo?

4. Dahil walang taong gumagawa nang patago kung gusto niyang sumikat. Gumagawa ka na rin lang ng himala, ipakita mo na sa lahat!”

5. (Sinabi ito ng mga kapatid ni Jesus dahil kahit sila ay hindi sumasampalataya sa kanya.)

6. Kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi pa ngayon ang panahon para sa akin, pero kayo, pwede nʼyong gawin kahit anong oras ang gusto ninyo.

7. Hindi sa inyo napopoot ang mga taong makamundo, ngunit sa akin sila napopoot, dahil inilalantad ko ang kasamaan nila.

8. Kayo na lang ang pumunta sa pista. Hindi ako pupunta dahil hindi pa ito ang panahon ko.”

9. Pagkasabi niya nito, nagpaiwan siya sa Galilea.

10. Pagkaalis ng mga kapatid ni Jesus papunta sa pista, pumunta rin si Jesus pero palihim.

11. Doon sa pista, hinahanap siya ng mga pinuno ng mga Judio. “Nasaan kaya siya?” tanong nila.

12. Maraming bulung-bulungan ang mga tao tungkol kay Jesus. May nagsasabi, “Mabuti siyang tao.” Sabi naman ng iba, “Hindi, niloloko lang niya ang mga tao.”

13. Pero walang nagsasalita tungkol sa kanya nang hayagan dahil sa takot sa mga pinuno ng mga Judio.

14. Nang kalagitnaan na ng pista, pumunta si Jesus sa templo at nangaral.

15. Namangha sa kanya ang mga pinuno ng mga Judio, at sinabi nila, “Paano niya nalaman ang mga bagay na ito, gayong hindi naman siya nakapag-aral?”

16. Kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi galing sa akin ang mga itinuturo ko, kundi sa nagsugo sa akin.

17. Malalaman ng sinumang gustong sumunod sa kalooban ng Dios kung ang itinuturo koʼy galing nga sa Dios o sa akin lang.

Juan 7