Juan 6:49-59 Ang Salita ng Dios (ASND)

49. Kumain ng ‘manna’ ang mga ninuno ninyo noong nasa ilang sila, ngunit namatay din silang lahat.

50. Pero narito ang tinapay na mula sa langit, at hindi na mamamatay ang sinumang kumain nito.

51. Ako ang tinapay na mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain ng tinapay na ito. Sapagkat ang ibibigay kong tinapay para magkaroon ng buhay na walang hanggan ang mga tao sa mundo ay walang iba kundi ang aking katawan.”

52. Nagtalo-talo ang mga Judiong nakikinig kay Jesus. Sinabi nila, “Paano maibibigay sa atin ng taong ito ang kanyang katawan para kainin?”

53. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, malibang kainin ninyo ang katawan ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay na walang hanggan.

54. Pero ang kumakain ng aking katawan at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan, at bubuhayin ko siyang muli sa huling araw.

55. Sapagkat ang aking katawan ay tunay na pagkain at ang aking dugo ay tunay na inumin.

56. Ang kumakain ng aking katawan at umiinom ng aking dugo ay nananatili sa akin, at ako naman sa kanya.

57. Ang Dios Amang nagsugo sa akin ang pinagmumulan ng buhay, at dahil sa kanya ay nabubuhay ako. Ganoon din naman, ang sinumang kumain sa akin ay mabubuhay dahil sa akin.

58. Ako ang tinapay na mula sa langit. Hindi ito tulad ng ‘manna’ na kinain ng inyong mga ninuno, dahil namatay pa rin sila kahit kumain sila noon. Ngunit ang sinumang kumain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman.”

59. Sinabi ni Jesus ang mga bagay na ito nang nangangaral siya sa sambahan ng mga Judio sa Capernaum.

Juan 6