45. Ayon sa isinulat ng mga propeta, ‘Tuturuan silang lahat ng Dios.’ Kaya ang lahat ng nakikinig at natututo sa Ama ay lalapit sa akin.
46. Hindi ito nangangahulugang may nakakita na sa Ama. Ako lang na nagmula sa Dios Ama ang nakakita sa kanya.
47. “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sumasampalataya sa akin ay may buhay na walang hanggan,
48. dahil ako ang tinapay na nagbibigay-buhay.
49. Kumain ng ‘manna’ ang mga ninuno ninyo noong nasa ilang sila, ngunit namatay din silang lahat.
50. Pero narito ang tinapay na mula sa langit, at hindi na mamamatay ang sinumang kumain nito.
51. Ako ang tinapay na mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain ng tinapay na ito. Sapagkat ang ibibigay kong tinapay para magkaroon ng buhay na walang hanggan ang mga tao sa mundo ay walang iba kundi ang aking katawan.”
52. Nagtalo-talo ang mga Judiong nakikinig kay Jesus. Sinabi nila, “Paano maibibigay sa atin ng taong ito ang kanyang katawan para kainin?”
53. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, malibang kainin ninyo ang katawan ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay na walang hanggan.
54. Pero ang kumakain ng aking katawan at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan, at bubuhayin ko siyang muli sa huling araw.
55. Sapagkat ang aking katawan ay tunay na pagkain at ang aking dugo ay tunay na inumin.
56. Ang kumakain ng aking katawan at umiinom ng aking dugo ay nananatili sa akin, at ako naman sa kanya.