25. Pagdating ng mga tao sa Capernaum, nakita nila si Jesus at tinanong, “Guro, kailan pa po kayo dumating dito?”
26. Sumagot si Jesus sa kanila, “Ang totoo, hinahanap nʼyo ako, hindi dahil sa mga nakita ninyong himala, kundi dahil nakakain kayo ng tinapay at nabusog.
27. Huwag kayong magtrabaho para lang sa pagkaing nasisira, kundi para sa pagkaing hindi nasisira at nakakapagbigay ng buhay na walang hanggan. Ako na Anak ng Tao ang siyang magbibigay sa inyo ng pagkaing ito, dahil ako ang binigyan ng Ama ng kapangyarihang magbigay nito.”
28. Kaya tinanong ng mga tao si Jesus, “Ano po ang dapat naming gawin upang masunod namin ang ipinapagawa ng Dios?”
29. Sumagot si Jesus, “Ito ang ipinapagawa ng Dios sa inyo: manampalataya kayo sa akin na isinugo niya.”
30. Nagtanong ang mga tao, “Anong himala po ang maipapakita nʼyo para manampalataya kami sa inyo?
31. Ang ating mga ninuno ay kumain ng ‘manna’ noong nasa ilang sila. Sapagkat ayon sa Kasulatan, binigyan sila ni Moises ng tinapay na mula sa langit.”
32. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, hindi si Moises ang nagbigay sa mga ninuno ninyo ng tinapay na mula sa langit, kundi ang aking Ama. Siya ang nagbibigay sa inyo ng tunay na tinapay mula sa langit.
33. Sapagkat ang tinapay na ibinibigay ng Dios ay walang iba kundi siya na bumaba mula sa langit at nagbibigay-buhay sa mga tao sa mundo.”
34. Sinabi ng mga tao, “Palagi nʼyo po kaming bigyan ng sinasabi nʼyong tinapay.”
35. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ako ang tinapay na nagbibigay-buhay. Ang sinumang lumalapit at sumasampalataya sa akin ay hindi na magugutom o mauuhaw kailanman.
36. “Ngunit gaya ng sinabi ko sa inyo, ayaw ninyong manampalataya sa akin kahit nakita na ninyo ang mga himalang ginawa ko.
37. Ang lahat ng taong ibinibigay sa akin ng Ama ay lalapit sa akin, at hinding-hindi ko itataboy ang mga lumalapit sa akin.
38. Sapagkat naparito ako mula sa langit, hindi upang gawin ang sarili kong kalooban kundi ang kalooban ng aking Amang nagsugo sa akin.
39. At ito ang kalooban ng nagsugo sa akin: na huwag kong pabayaang mawala ang kahit isa sa mga ibinigay niya sa akin; sa halip ay bubuhayin ko silang muli sa huling araw.