32. Pero sumagot si Jesus, “May pagkain akong hindi ninyo alam.”
33. Kaya nagtanungan ang mga tagasunod niya, “May nagdala kaya sa kanya ng pagkain?”
34. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang pagkain ko ay ang pagsunod sa kalooban ng nagsugo sa akin at ang pagtupad sa kanyang ipinapagawa.
35. Hindi ba sinasabi nʼyo na apat na buwan pa bago ang anihan? Ngunit sinasabi ko sa inyo, anihan na. Tingnan nʼyo ang mga taong dumarating, para silang mga pananim sa bukid na hinog na at pwede nang anihin!
36. Kayong mga tagapag-ani ay tatanggap ng gantimpala mula sa Dios. At ang mga taong inaani ninyo ay bibigyan niya ng buhay na walang hanggan. Kaya magkasamang matutuwa ang nagtanim ng salita ng Dios at ang nag-ani.
37. Totoo ang kasabihang, ‘Iba ang nagtatanim at iba rin ang umaani.’
38. Sinugo ko kayo upang anihin ang hindi ninyo itinanim. Iba ang nagtanim ng salita ng Dios, at kayo ang umaani ng kanilang pinaghirapan.”
39. Maraming Samaritano sa bayang iyon ang sumampalataya kay Jesus dahil sa sinabi ng babae na alam ni Jesus ang lahat ng ginawa niya.
40. Kaya pagdating ng mga Samaritano kay Jesus, hiniling nila na manatili muna siya roon sa kanila. At nanatili nga siya sa kanila ng dalawang araw.
41. Dahil sa pangangaral niya, marami pa sa kanila ang sumampalataya.
42. Sinabi ng mga tao sa babae, “Sumasampalataya kami ngayon hindi lang dahil sa sinabi mo sa amin ang tungkol sa kanya, kundi dahil sa narinig namin mismo sa kanya. At alam naming siya nga ang Tagapagligtas ng mundo.”