23. Tandaan mo, darating ang panahon, at narito na nga, na ang mga tunay na sumasamba ay sasamba sa Ama sa espiritu at katotohanan. Ganito ang uri ng mga sumasamba na hinahanap ng Ama.
24. Ang Dios ay espiritu, kaya ang sumasamba sa kanya ay dapat sumamba sa pamamagitan ng espiritu at katotohanan.”
25. Sinabi ng babae, “Nalalaman ko pong darating ang Mesias na tinatawag ding Cristo. At pagdating niya, ipapaliwanag niya sa amin ang lahat ng bagay.”
26. Sinabi ni Jesus sa kanya, “Akong nagsasalita sa iyo ngayon ang tinutukoy mo.”
27. Nang sandaling iyon, dumating ang mga tagasunod ni Jesus. Nagtaka sila nang madatnan nilang nakikipag-usap siya sa isang babae. Pero wala ni isa man sa kanila ang nagtanong kung ano ang kailangan niya, at hindi rin sila nagtanong kay Jesus kung bakit nakikipag-usap siya sa babae.
28. Iniwan ng babae ang kanyang banga, bumalik sa bayan at sinabi sa mga taga-roon,
29. “Halikayo! Ipapakita ko sa inyo ang taong alam na alam ang lahat ng ginawa ko! Maaaring siya na nga ang Cristo.”
30. Kaya pinuntahan ng mga tao si Jesus.
31. Samantala, pinapakiusapan ng mga tagasunod niya si Jesus na kumain na.
32. Pero sumagot si Jesus, “May pagkain akong hindi ninyo alam.”
33. Kaya nagtanungan ang mga tagasunod niya, “May nagdala kaya sa kanya ng pagkain?”
34. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang pagkain ko ay ang pagsunod sa kalooban ng nagsugo sa akin at ang pagtupad sa kanyang ipinapagawa.
35. Hindi ba sinasabi nʼyo na apat na buwan pa bago ang anihan? Ngunit sinasabi ko sa inyo, anihan na. Tingnan nʼyo ang mga taong dumarating, para silang mga pananim sa bukid na hinog na at pwede nang anihin!