16. “Sapagkat ganito ang pag-ibig ng Dios sa mga tao sa sanlibutan: Ibinigay niya ang kanyang Bugtong na Anak, upang ang sinumang sumasampalataya sa kanya ay hindi mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.
17. Sapagkat hindi sinugo ng Dios ang kanyang Anak dito sa mundo upang hatulan ng parusa ang mga tao, kundi upang iligtas sila.
18. Ang sumasampalataya sa kanya ay hindi hahatulan ng kaparusahan, ngunit ang hindi sumasampalataya ay hinatulan na, dahil hindi siya sumampalataya sa kaisa-isang Anak ng Dios.
19. Hinatulan sila dahil dumating ang Anak ng Dios bilang ilaw dito sa mundo, ngunit mas ginusto nilang manatili sa dilim kaysa sa lumapit sa kanya na nagbibigay-liwanag, dahil masama ang mga ginagawa nila.
20. Ang taong gumagawa ng masama ay ayaw sa liwanag at hindi lumalapit sa liwanag, dahil ayaw niyang malantad ang kanyang mga gawa.
21. Ngunit ang namumuhay sa katotohanan ay lumalapit sa liwanag, upang malaman ng lahat na ang mabubuti niyang gawa ay nagawa niya sa tulong ng Dios.”
22. Pagkatapos nito, pumunta si Jesus at ang mga tagasunod niya sa ibang lugar ng Judea. Nanatili sila roon at nagbautismo ng mga tao.
23. Nagbabautismo rin si Juan sa Enon, malapit sa Salim, dahil maraming tubig doon. Pumupunta sa kanya ang mga tao upang magpabautismo.
24. (Hindi pa nakakulong noon si Juan.)
25. Ngayon, nagkaroon ng pagtatalo ang ilang tagasunod ni Juan at ang isang Judio tungkol sa bautismo.
26. Kaya pumunta sila kay Juan at sinabi, “Guro, ang kasama nʼyo sa kabila ng Ilog ng Jordan, na ipinakilala nʼyo sa mga tao ay nagbabautismo na rin, at nagpupuntahan sa kanya ang halos lahat ng tao.”
27. Sumagot si Juan, “Walang magagawa ang tao kung hindi ipahintulot ng Dios.
28. Kayo na rin ang makakapagpatunay na sinabi kong hindi ako ang Cristo. Isa lang akong sugo na nauna sa kanya upang ipahayag ang pagdating niya.
29. Kagaya sa isang kasal: ang babaeng ikakasal ay para sa lalaking ikakasal, at ang abay na naghihintay ay natutuwa sa pagdating ng lalaking ikakasal. Ganoon din sa akin, tuwang-tuwa ako ngayon na lumalapit na ang mga tao kay Jesus.
30. Kailangang lalo pa siyang makilala, at ako namaʼy makalimutan na.”
31. Sinabi pa ni Juan, “Si Cristoʼy nagmula sa langit, kaya dakila siya sa lahat. Tayo naman ay taga-lupa at nagsasalita tungkol lang sa mga bagay dito sa lupa. Ngunit si Cristo na nagmula sa langit ay dakila sa lahat.
32. Ipinapahayag niya ang nakita at narinig niya sa langit, ngunit ilan lang ang naniniwala sa kanyang pahayag.