Juan 21:7-23 Ang Salita ng Dios (ASND)

7. Sinabi kay Pedro ng tagasunod na minamahal ni Jesus, “Ang Panginoon iyon!” Nang marinig ito ni Pedro, isinuot niya ang damit na hinubad niya, tumalon sa tubig, at lumangoy papunta sa dalampasigan.

8. Ang ibang mga tagasunod na nasa bangka ay bumalik din sa dalampasigan na hila-hila ang lambat na puno ng isda, dahil mga 90 metro lang ang layo nila sa pampang.

9. Pagdating nila sa dalampasigan, nakita nila roon ang nagbabagang uling na may nakasalang na isda, at ilang tinapay.

10. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Magdala kayo rito ng ilang isda na nahuli ninyo.”

11. Kaya sumampa sa bangka si Pedro at hinila papunta sa pampang ang lambat na puno ng malalaking isda na 153 lahat-lahat. Pero kahit ganoon karami ang isda, hindi nasira ang lambat.

12. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Mag-almusal na kayo.” Wala ni isa sa mga tagasunod ni Jesus ang nangahas magtanong kung sino siya dahil alam nila na siya ang Panginoon.

13. Kumuha si Jesus ng tinapay at ibinigay sa kanila. Ganoon din ang ginawa niya sa isda.

14. Ito na ang ikatlong pagpapakita ni Jesus sa mga tagasunod niya pagkatapos niyang mabuhay muli.

15. Pagkatapos nilang mag-almusal, sinabi ni Jesus kay Simon Pedro, “Simon na anak ni Juan, mahal mo ba ako ng higit sa pagmamahal nila?” Sumagot si Pedro, “Opo, Panginoon, alam nʼyo po na mahal ko kayo.” Sinabi ni Jesus, “Alagaan mo ang aking mga tupa.”

16. Muling sinabi ni Jesus, “Simon na anak ni Juan, mahal mo ba ako?” Sumagot si Pedro, “Opo, Panginoon, alam nʼyo po na mahal ko kayo.” Sinabi ni Jesus, “Alagaan mo ang aking mga tupa.”

17. Sa ikatlong ulit ay sinabi ni Jesus, “Simon na anak ni Juan, mahal mo ba talaga ako?” Nasaktan si Pedro dahil tatlong beses na siyang tinanong kung mahal niya si Jesus. Kaya sumagot siya, “Panginoon, alam nʼyo po ang lahat ng bagay. Alam nʼyo rin po na mahal ko kayo.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Alagaan mo ang aking mga tupa.

18. Sinasabi ko sa iyo ang totoo, noong bata ka pa, ikaw mismo ang nagbibihis sa sarili mo, at pumupunta ka kung saan mo gusto. Pero pagtanda mo, iuunat mo ang mga kamay mo at iba na ang magbibihis sa iyo, at dadalhin ka sa lugar na hindi mo gusto.”

19. (Sinabi ito ni Jesus para ipahiwatig kung anong klaseng kamatayan ang daranasin ni Pedro upang maparangalan ang Panginoon.) Pagkatapos, sinabi ni Jesus kay Pedro, “Sumunod ka sa akin.”

20. Nang lumingon si Pedro, nakita niyang sumusunod sa kanila ang tagasunod na minamahal ni Jesus. (Siya ang tagasunod na nakasandal kay Jesus nang naghahapunan sila, at siya ang nagtanong kay Jesus kung sino ang magtatraydor sa kanya.)

21. Nang makita siya ni Pedro, nagtanong siya, “Panginoon, paano naman po siya?”

22. Sumagot si Jesus, “Kung gusto ko siyang mabuhay hanggang sa pagbalik ko, ano naman sa iyo? Sumunod ka lang sa akin.”

23. Dahil dito, kumalat ang balita na ang tagasunod na ito ay hindi mamamatay. Pero hindi sinabi ni Jesus na hindi siya mamamatay. Ang sinabi lang niya, “Kung gusto ko siyang mabuhay hanggang sa pagbalik ko, ano naman sa iyo?”

Juan 21