Juan 21:3-12 Ang Salita ng Dios (ASND)

3. Sinabi ni Simon Pedro sa kanila, “Mangingisda ako.” Sumagot sila, “Sasama kami.” Kaya sumakay sila sa bangka at pumalaot. Pero wala silang nahuli nang gabing iyon.

4. Nang madaling-araw na, may nakita silang nakatayo sa dalampasigan. Pero hindi nila nakilala na si Jesus iyon.

5. Tinawag sila ni Jesus, “Mga kaibigan, may huli ba kayo?” Sumagot sila, “Wala po.”

6. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ihulog nʼyo ang lambat sa gawing kanan ng bangka at makakahuli kayo.” Iyon nga ang ginawa nila. Halos hindi na nila mahila ang lambat sa dami ng nahuli nilang isda.

7. Sinabi kay Pedro ng tagasunod na minamahal ni Jesus, “Ang Panginoon iyon!” Nang marinig ito ni Pedro, isinuot niya ang damit na hinubad niya, tumalon sa tubig, at lumangoy papunta sa dalampasigan.

8. Ang ibang mga tagasunod na nasa bangka ay bumalik din sa dalampasigan na hila-hila ang lambat na puno ng isda, dahil mga 90 metro lang ang layo nila sa pampang.

9. Pagdating nila sa dalampasigan, nakita nila roon ang nagbabagang uling na may nakasalang na isda, at ilang tinapay.

10. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Magdala kayo rito ng ilang isda na nahuli ninyo.”

11. Kaya sumampa sa bangka si Pedro at hinila papunta sa pampang ang lambat na puno ng malalaking isda na 153 lahat-lahat. Pero kahit ganoon karami ang isda, hindi nasira ang lambat.

12. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Mag-almusal na kayo.” Wala ni isa sa mga tagasunod ni Jesus ang nangahas magtanong kung sino siya dahil alam nila na siya ang Panginoon.

Juan 21