3. Nang maubos ang alak sa handaan, sinabi ng ina ni Jesus sa kanya, “Naubusan sila ng alak.”
4. Sumagot si Jesus, “Babae, huwag po ninyo akong pangunahan. Hindi pa po dumarating ang panahon ko.”
5. Sinabi ng ina ni Jesus sa mga katulong, “Sundin ninyo ang anumang iutos niya.”
6. May anim na tapayan doon na ginagamit ng mga Judio sa ritwal nilang paghuhugas. Ang bawat tapayan ay naglalaman ng 20 hanggang 30 galon ng tubig.
7. Sinabi ni Jesus sa mga katulong, “Punuin ninyo ng tubig ang mga tapayan.” At pinuno nga nila ang mga ito.
8. Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumalok kayo at dalhin sa namamahala ng handaan.” Sumalok nga sila at dinala sa namamahala.
9. Tinikman ng namamahala ang tubig na naging alak. Hindi niya alam kung saan nanggaling ang alak. (Pero alam ito ng mga katulong na sumalok ng tubig.) Kaya ipinatawag niya ang lalaking ikinasal
10. at sinabi, “Karaniwan, ang pinakamainam na alak muna ang inihahanda, at kapag marami nang nainom ang mga tao, saka naman inilalabas ang ordinaryong alak. Pero iba ka, dahil ngayon mo lang inilabas ang espesyal na alak.”
11. Ang nangyaring ito sa Cana, Galilea ay ang unang himala na ginawa ni Jesus. Sa ginawa niyang ito, ipinakita niya ang kanyang kapangyarihan, at sumampalataya sa kanya ang mga tagasunod niya.
12. Pagkatapos ng kasalan, pumunta si Jesus sa Capernaum, kasama ang kanyang ina, mga kapatid, at mga tagasunod. Nanatili sila roon ng ilang araw.
13. Malapit na noon ang pista ng mga Judio na tinatawag na Pista ng Paglampas ng Anghel, kaya pumunta si Jesus sa Jerusalem.
14. Nakita niya roon sa templo ang mga nagtitinda ng mga baka, tupa at mga kalapati. Nakita rin niya ang mga nagpapalit ng pera ng mga dayuhan sa kanilang mga mesa.
15. Kaya gumawa siya ng panghagupit na lubid, at itinaboy niya palabas ng templo ang mga baka at tupa. Ikinalat niya ang mga pera ng mga nagpapalit at itinaob ang mga mesa nila.
16. Sinabi ni Jesus sa mga nagtitinda ng mga kalapati, “Alisin ninyo ang mga iyan! Huwag ninyong gawing palengke ang bahay ng aking Ama!”