1. Pagkalipas ng dalawang araw, may ginanap na kasalan sa bayan ng Cana na sakop ng Galilea. Naroon ang ina ni Jesus.
2. Inimbita rin si Jesus at ang mga tagasunod niya.
3. Nang maubos ang alak sa handaan, sinabi ng ina ni Jesus sa kanya, “Naubusan sila ng alak.”
4. Sumagot si Jesus, “Babae, huwag po ninyo akong pangunahan. Hindi pa po dumarating ang panahon ko.”
5. Sinabi ng ina ni Jesus sa mga katulong, “Sundin ninyo ang anumang iutos niya.”
6. May anim na tapayan doon na ginagamit ng mga Judio sa ritwal nilang paghuhugas. Ang bawat tapayan ay naglalaman ng 20 hanggang 30 galon ng tubig.
7. Sinabi ni Jesus sa mga katulong, “Punuin ninyo ng tubig ang mga tapayan.” At pinuno nga nila ang mga ito.
8. Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumalok kayo at dalhin sa namamahala ng handaan.” Sumalok nga sila at dinala sa namamahala.