Juan 18:24-39 Ang Salita ng Dios (ASND)

24. Habang nakagapos pa si Jesus, ipinadala siya ni Anas kay Caifas na punong pari.

25. Samantala, nakatayo pa rin si Simon Pedro malapit sa siga at nagpapainit. Tinanong siya ng mga naroon, “Hindi baʼt isa ka sa mga tagasunod niya?” “Hindi!” Tanggi ni Pedro.

26. Tinanong din si Pedro ng isa sa mga alipin ng punong pari, na kamag-anak ng pinutulan niya ng tainga, “Hindi baʼt nakita kitang kasama niya roon sa may taniman ng mga olibo?”

27. Muli itong itinanggi ni Pedro, at noon din ay tumilaok ang manok.

28. Mula kay Caifas, dinala si Jesus sa palasyo ng gobernador. Umaga na noon. Hindi pumasok ang mga Judio sa palasyo dahil ayon sa kautusan nila, ang pumasok sa bahay ng isang hindi Judio ay hindi magiging karapat-dapat kumain ng hapunan sa Pista ng Paglampas ng Anghel.

29. Kaya sa labas sila kinausap ni Pilato at tinanong, “Ano ang paratang nʼyo laban sa taong ito?”

30. Sumagot sila, “Kung hindi po siya kriminal ay hindi namin siya dadalhin sa inyo.”

31. Sinabi ni Pilato sa kanila, “Dalhin nʼyo siya at kayo na ang humatol ayon sa inyong Kautusan.” Sumagot ang mga pinuno ng mga Judio, “Ngunit wala kaming kapangyarihang humatol ng kamatayan.”

32. (Nangyari ang mga ito upang matupad ang sinabi ni Jesus tungkol sa uri ng kamatayang dadanasin niya.)

33. Muling pumasok si Pilato sa palasyo at ipinatawag si Jesus, at tinanong, “Ikaw ba ang hari ng mga Judio?”

34. Sumagot si Jesus, “Sa iyo ba nanggaling ang tanong na iyan o may nagsabi lang sa iyo tungkol sa akin?”

35. Sumagot si Pilato, “Judio ba ako? Dinala ka rito sa akin ng mga kababayan mo at ng mga namamahalang pari. Ano ba ang ginawa mo?”

36. Sinabi ni Jesus sa kanya, “Ang kaharian ko ay wala rito sa mundo. Kung nandito ang kaharian ko, makikipaglaban sana ang mga tagasunod ko upang hindi ako madakip ng mga Judio. Pero tulad nga ng sinabi ko, ang kaharian ko ay wala rito.”

37. Sinabi ni Pilato, “Kung ganoon, isa kang hari?” Sumagot si Jesus, “Tama ang sinabi mo na isa akong hari. At ang dahilan kung bakit ako ipinanganak at naparito sa mundo ay upang ipahayag ang katotohanan. At ang lahat ng gustong makaalam ng katotohanan ay nakikinig sa akin.”

38. Tinanong siya ni Pilato, “Ano ba ang katotohanan?”Nang masabi ito ni Pilato, lumabas siya at sinabi sa mga Judio, “Wala akong makitang kasalanan sa taong ito.

39. Pero ayon sa kaugalian ninyo, dapat akong magpalaya ng isang bilanggo tuwing Pista ng Paglampas ng Anghel. Kaya gusto ba ninyong palayain ko ang Hari ng mga Judio?”

Juan 18