Juan 18:18-27 Ang Salita ng Dios (ASND)

18. Maginaw noon, kaya nagsiga ang mga alipin at mga guwardya, at tumayo sila sa paligid nito para magpainit. Nakihalo si Pedro sa kanila at nagpainit din.

19. Samantala, tinanong ng punong pari si Jesus tungkol sa mga tagasunod niya at sa mga itinuturo niya.

20. Sumagot si Jesus, “Hayagan akong nagsasalita sa mga tao. Lagi akong nangangaral sa mga sambahan at sa templo kung saan nagtitipon-tipon ang lahat ng Judio. Wala akong itinuro nang palihim.

21. Bakit nʼyo ako tinatanong ngayon? Tanungin nʼyo ang mga nakarinig sa akin; alam nila kung ano ang mga sinabi ko.”

22. Nang masabi ito ni Jesus, sinampal siya ng isa sa mga guwardya na malapit sa kanya. Sinabi ng guwardya, “Bakit ganyan ka sumagot sa punong pari?”

23. Sinagot siya ni Jesus, “Kung may masama akong sinabi, patunayan mo. Pero kung totoo ang sinabi ko, bakit mo ako sinampal?”

24. Habang nakagapos pa si Jesus, ipinadala siya ni Anas kay Caifas na punong pari.

25. Samantala, nakatayo pa rin si Simon Pedro malapit sa siga at nagpapainit. Tinanong siya ng mga naroon, “Hindi baʼt isa ka sa mga tagasunod niya?” “Hindi!” Tanggi ni Pedro.

26. Tinanong din si Pedro ng isa sa mga alipin ng punong pari, na kamag-anak ng pinutulan niya ng tainga, “Hindi baʼt nakita kitang kasama niya roon sa may taniman ng mga olibo?”

27. Muli itong itinanggi ni Pedro, at noon din ay tumilaok ang manok.

Juan 18