4. Pinarangalan kita rito sa lupa dahil natapos ko na ang ipinagawa mo sa akin.
5. Kaya ngayon, Ama, parangalan mo ako sa piling mo. Ipagkaloob mo sa akin ang karangalang taglay ko sa piling mo bago pa man nilikha ang mundo.
6. “Ipinakilala kita sa mga taong pinili mo mula sa mga tao sa mundo at ibinigay sa akin. Sila ay sa iyo at ibinigay mo sila sa akin, at sinunod nila ang iyong salita.
7. Ngayon alam na nila na ang lahat ng ibinigay mo sa akin ay nanggaling sa iyo.
8. Sapagkat itinuro ko sa kanila ang mga itinuro mo sa akin, at tinanggap naman nila. Sigurado silang nagmula ako sa iyo, at naniniwala silang isinugo mo ako.
9. “Idinadalangin ko sila. Hindi ako nananalangin para sa mga taong makamundo kundi para sa mga taong ibinigay mo sa akin, dahil sila ay sa iyo.
10. Ang lahat ng akin ay sa iyo, at ang lahat ng iyo ay sa akin, at napaparangalan ako sa pamamagitan nila.
11. At ngayon, babalik na ako sa iyo at hindi na ako mananatili rito sa mundo, pero sila ay mananatili pa sa mundo. Banal na Ama, ingatan mo sila sa pamamagitan ng kapangyarihang ibinigay mo sa akin, upang silaʼy maging isa katulad natin.
12. Habang kasama nila ako, iningatan ko sila sa pamamagitan ng kapangyarihang ibinigay mo sa akin. Iningatan ko sila at walang napahamak sa kanila maliban sa taong itinakdang mapahamak para matupad ang Kasulatan.
13. Ngayon ay babalik na ako sa iyo. Sinasabi ko ang mga bagay na ito habang nandito pa ako sa mundo para lubos silang magalak tulad ko.
14. Itinuro ko na sa kanila ang salita mo. Napopoot sa kanila ang mga taong makamundo, dahil hindi na sila makamundo, tulad ko na hindi makamundo.
15. Hindi ko idinadalangin na kunin mo na sila sa mundo, kundi ingatan mo sila laban kay Satanas.
16. Hindi sila makamundo, tulad ko na hindi makamundo.
17. Ibukod mo sila upang maging iyo sa pamamagitan ng katotohanan; ang salita mo ay katotohanan.