Juan 13:11-26 Ang Salita ng Dios (ASND)

11. (Sinabi ni Jesus na hindi lahat sila ay malinis dahil alam niya kung sino ang magtatraydor sa kanya.)

12. Nang mahugasan na ni Jesus ang mga paa nila, muli niyang isinuot ang kanyang damit-panlabas at bumalik sa hapag-kainan. Pagkatapos, tinanong niya sila, “Naintindihan nʼyo ba ang ginawa ko sa inyo?

13. Tinatawag nʼyo akong ‘Guro’ at ‘Panginoon’, at tama kayo dahil iyan nga ang totoo.

14. Kung ako na Guro at Panginoon ninyo ay hinugasan ang inyong mga paa, dapat ay ganoon din ang gawin ninyo sa isaʼt isa.

15. Ginawa ko ito bilang halimbawa na dapat ninyong tularan. Kaya gawin din ninyo ang ginawa ko sa inyo.

16. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, walang alipin na mas higit sa kanyang amo; at wala ring isinugo na mas higit sa nagsugo sa kanya.

17. Ngayong alam nʼyo na ang mga bagay na ito, mapalad kayo kung gagawin nʼyo ang mga ito.

18. “Hindi ko sinasabing mapalad kayong lahat, dahil kilala ko ang mga pinili ko. Pero kailangang matupad ang sinasabi sa Kasulatan na ‘Trinaydor ako ng nakisalo sa akin sa pagkain.’

19. Sinasabi ko ito sa inyo bago pa man mangyari, upang kapag nangyari na ay maniwala kayo na ako nga ang Cristo.

20. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang tumatanggap sa mga taong isinugo ko ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin.”

21. Pagkasabi nito ni Jesus, labis siyang nabagabag. Sinabi niya, “Ang totoo, tatraydurin ako ng isa sa inyo.”

22. Nagtinginan ang mga tagasunod niya na naguguluhan kung sino ang tinutukoy niya.

23. Nakasandal kay Jesus ang tagasunod na minamahal niya.

24. Kaya sinenyasan siya ni Simon Pedro na tanungin si Jesus kung sino ang tinutukoy nito.

25. Kaya habang nakasandal siya kay Jesus, nagtanong siya, “Panginoon, sino po ang tinutukoy ninyo?”

26. Sumagot si Jesus, “Kung sino ang bibigyan ko ng tinapay na isinawsaw ko, siya iyon.” Kaya kumuha si Jesus ng tinapay at matapos isawsaw ay ibinigay kay Judas na anak ni Simon Iscariote.

Juan 13