36. Kaya sumampalataya kayo sa akin na siyang ilaw ninyo habang narito pa ako, para maliwanagan ang isipan ninyo.” Pagkasabi ni Jesus nito, umalis siya at nagtago sa kanila.
37. Kahit na nakita ng mga Judio ang maraming himala na ginawa ni Jesus, hindi pa rin sila sumampalataya sa kanya.
38. Sa ganoon, natupad ang sinabi ni Propeta Isaias,“Panginoon, sino ang naniwala sa aming mensahe?Sino sa mga pinakitaan mo ng iyong kapangyarihan ang sumampalataya?”
39. Sinabi pa ni Isaias na kaya ayaw nilang sumampalataya ay dahil:
40. “Binulag ng Dios ang kanilang mga mata upang hindi sila makakita,at isinara niya ang kanilang mga isip upang hindi sila makaunawa,dahil baka manumbalik pa sila sa kanya, at pagalingin niya sila.”
41. Sinabi ito ni Isaias dahil nakita niya ang kadakilaan ni Jesus, at nagsalita siya tungkol sa kanya.
42. Ganoon pa man, maraming pinuno ng mga Judio ang sumampalataya kay Jesus. Pero inilihim nila ang kanilang pananampalataya dahil takot silang hindi na tanggapin ng mga Pariseo sa mga sambahan.
43. Sapagkat mas ginusto pa nilang purihin sila ng tao kaysa ng Dios.
44. Nagsalita si Jesus nang malakas: “Ang sumasampalataya sa akin ay hindi lang sa akin sumasampalataya kundi pati sa nagsugo sa akin.
45. At ang nakakita sa akin ay nakakita na rin sa nagsugo sa akin.
46. Naparito ako bilang ilaw ng mundo, upang ang sinumang sumampalataya sa akin ay hindi na manatili sa kadiliman.
47. Ang sinumang nakarinig ng aking mga aral pero hindi sumunod ay hahatulan, ngunit hindi ako ang hahatol sa kanya. Sapagkat hindi ako naparito sa mundo para hatulan ang mga tao kundi iligtas sila.
48. May ibang hahatol sa ayaw tumanggap sa akin at sa aking mga aral. Ang mga salitang ipinangaral ko ang hahatol sa kanila sa huling araw.
49. Sapagkat ang mga aral koʼy hindi galing sa sarili ko lang kundi galing sa Amang nagsugo sa akin. Siya ang nag-uutos kung ano ang sasabihin ko.
50. At alam ko na ang mga utos niya ay nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Kaya kung ano ang ipinasasabi ng Ama, iyon lang ang sinasabi ko.”