21. Lumapit sila kay Felipe na taga-Betsaida sa probinsya ng Galilea. Sinabi nila sa kanya, “Gusto po sana naming makita si Jesus.”
22. Pinuntahan ni Felipe si Andres at sinabi sa kanya ang kahilingan ng mga Griego. Pagkatapos, pinuntahan nila si Jesus at ipinaalam ang kahilingan.
23. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Dumating na ang oras upang dakilain ako na Anak ng Tao.
24. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, malibang mamatay ang isang butil ng trigong itinanim sa lupa, mananatili itong nag-iisa. Ngunit kung mamatay, tutubo ito at mamumunga nang marami.
25. Ang taong labis na nagpapahalaga sa kanyang buhay ay mawawalan nito, ngunit ang hindi nanghihinayang sa buhay niya sa mundong ito alang-alang sa akin ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.
26. Ang sinumang gustong maglingkod sa akin ay dapat sumunod sa akin, at kung nasaan ako naroon din dapat siya. Ang sinumang naglilingkod sa akin ay pararangalan ng Ama.”
27. Sinabi pa ni Jesus, “Nababagabag ako ngayon. Sasabihin ko ba sa Ama na iligtas niya ako sa nalalapit na paghihirap? Hindi, dahil ito ang dahilan ng pagpunta ko rito.”
28. Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa Ama, “Ama, ipakita nʼyo ang inyong kadakilaan.” Isang tinig mula sa langit ang sumagot, “Ipinakita ko na sa pamamagitan mo, at muli ko itong ipapakita.”
29. Nang marinig ng mga taong naroon ang tinig, sinabi nila, “Kumulog!” Pero sinabi naman ng iba, “Kinausap siya ng isang anghel.”