4. Kapag nailabas na niya ang mga tupa, nauuna siya sa kanila at sumusunod naman ang mga tupa dahil, kilala nila ang boses niya.
5. Ngunit hindi nila susundin ang iba; sa halip ay agad pa nga nila itong lalayuan, dahil hindi nila kilala ang boses nito.”
6. Sinabi ni Jesus sa mga tao ang paghahalintulad na ito, pero hindi nila naintindihan ang ibig niyang sabihin.
7. Kaya muling sinabi ni Jesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ako ang pintuan na dinadaanan ng mga tupa.
8. May mga tagapagturo na nauna sa akin, na ang katulad ay mga magnanakaw at mga tulisan. Ngunit hindi sila pinakinggan ng aking mga tupa.
9. Ako ang pintuan. Ang sinumang pumasok sa pamamagitan ko ay maliligtas. Magiging katulad siya ng tupa na malayang nakakapasok at nakakalabas ng kulungan, at makakatagpo siya ng pastulan.
10. Dumarating ang magnanakaw para lang magnakaw, pumatay at mangwasak. Ngunit dumating ako upang magkaroon ang mga tao ng buhay na ganap.
11. “Ako ang mabuting pastol, at ang isang mabuting pastol ay handang mag-alay ng kanyang buhay para sa kanyang mga tupa.
12. Hindi siya katulad ng bayarang pastol ng mga tupa, sapagkat ang ganitong tagapagbantay ay tumatakas at iniiwan ang mga tupa kapag nakakita ng asong lobo na paparating. Kaya sinasalakay ng lobo ang mga tupa at nagkakawatak-watak sila.
13. Tumatakas siya dahil bayaran lang siya at walang malasakit sa mga tupa.
16. May iba pa akong mga tupa na wala sa kawan na ito ng mga Judio. Kinakailangan ko rin silang tipunin. Pakikinggan din nila ang mga salita ko, at ang lahat ng nakikinig sa akin ay magiging isang kawan na lang na may iisang pastol.