20. Marami sa kanila ang nagsasabi, “Baliw siya at sinasaniban ng masamang espiritu. Bakit nʼyo siya pinapakinggan?”
21. Pero sinabi naman ng iba, “Hindi makakapagturo nang ganyan ang sinasaniban ng masamang espiritu. At isa pa, paano siya makakapagpagaling ng bulag kung totoong sinasaniban nga siya?”
22. Sumapit ang pagdiriwang ng Pista ng Pagtatalaga ng Templo sa Jerusalem. Taglamig na noon,
23. at naglalakad si Jesus sa bahagi ng templo na kung tawagin ay Balkonahe ni Solomon.
24. Pinalibutan siya ng mga Judio at sinabi sa kanya, “Hanggang kailan mo ililihim sa amin kung sino ka talaga? Kung ikaw nga ang Cristo, tapatin mo na kami.”
25. Sumagot si Jesus sa kanila, “Sinabi ko na sa inyo kung sino ako, pero ayaw naman ninyong maniwala. Ang mga ginawa kong himala sa pangalan ng aking Ama ang nagpapatunay kung sino ako.
26. Ngunit ayaw nʼyong maniwala sa akin dahil hindi kayo kabilang sa aking mga tupa.
27. Nakikinig sa akin ang aking mga tupa. Kilala ko sila at sumusunod sila sa akin.
28. Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan, at kailanman ay hindi sila mapapahamak. Walang makakaagaw sa kanila sa aking kamay.
29. Ibinigay sila sa akin ng Ama na higit na makapangyarihan sa lahat. Walang makakaagaw sa kanila mula sa kamay ng aking Ama.
30. Ako at ang Ama ay iisa.”
31. Nang marinig ito ng mga Judio, muli silang dumampot ng mga bato para batuhin siya.
32. Pero sinabi sa kanila ni Jesus, “Ipinakita ko sa inyo ang maraming mabubuting gawa na ipinapagawa sa akin ng Ama. Alin sa mga ito ang dahilan kung bakit nʼyo ako babatuhin?”
33. Sumagot sila, “Hindi ka namin babatuhin dahil sa mabubuti mong gawa, kundi dahil sa paglapastangan mo sa Dios. Sapagkat sinasabi mong ikaw ay Dios gayong tao ka lang.”
34. Sumagot si Jesus, “Hindi baʼt nakasulat sa Kautusan na sinabi ng Dios na kayoʼy mga dios?