32. Pagkatapos, nagpatotoo si Juan, “Nakita ko ang Banal na Espiritu na bumaba mula sa langit tulad ng isang kalapati at nanatili sa kanya.
33. Noong unaʼy hindi ko rin kilala kung sino siya, ngunit ang Dios na nag-utos sa akin na magbautismo sa tubig ang nagsabi sa akin, ‘Kapag nakita mong bumaba ang Banal na Espiritu at nanatili sa isang tao, ang taong iyon ang magbabautismo sa Banal na Espiritu.’
34. Nakita ko ito at nagpapatotoo ako na siya ang Anak ng Dios.”
35. Kinabukasan, naroon ulit si Juan kasama ang dalawa sa mga tagasunod niya.
36. Nang makita niya si Jesus na dumaraan, sinabi niya, “Narito na ang Tupa ng Dios!”
37. Nang marinig iyon ng dalawang tagasunod ni Juan, sinundan nila si Jesus.
38. Lumingon si Jesus at nakita silang sumusunod. Kaya tinanong niya sila, “Ano ang kailangan ninyo?” Sumagot sila, “Rabbi, saan po kayo nakatira?” (Ang ibig sabihin ng Rabbi ay “Guro.”)
39. Sinabi sa kanila ni Jesus, “Halikayo at makikita ninyo.” Kaya sumama ang dalawa at nakita nila ang tinutuluyan niya. Bandang alas kwatro na noon ng hapon, kaya doon na sila nagpalipas ng gabi.
40. Ang isa sa dalawang nakarinig ng sinabi ni Juan at sumunod kay Jesus ay si Andres na kapatid ni Simon Pedro.
41. Kinaumagahan, hinanap kaagad ni Andres ang kapatid niyang si Simon at sinabi sa kanya, “Natagpuan na namin ang Mesias.” (Ang ibig sabihin ng Mesias ay “Cristo”.)
42. Isinama niya si Simon kay Jesus. At nang makarating sila kay Jesus, tiningnan ni Jesus si Simon at sinabi, “Ikaw si Simon na anak ni Juan, mula ngayon ay tatawagin ka nang Cefas.” (Ang Cefas ay pareho rin ng pangalang Pedro.)
43. Kinabukasan, nagpasya si Jesus na pumunta sa Galilea. Pagdating niya roon, nakita niya si Felipe at sinabi niya rito, “Sumunod ka sa akin.”
44. (Si Felipe ay taga-Betsaida, tulad nina Andres at Pedro.)