Juan 1:22-29 Ang Salita ng Dios (ASND)

22. “Kung ganoon, sino ka talaga? Sabihin mo sa amin para may maisagot kami sa mga nagsugo sa amin. Ano ang masasabi mo tungkol sa sarili mo?”

23. Sumagot si Juan, “Ako ang taong binanggit ni Propeta Isaias nang sabihin niya,‘Maririnig ang sigaw ng isang tao sa ilang na nagsasabi,Tuwirin ninyo ang dadaanan ng Panginoon.’ ”

24. Ang mga nagsugo sa mga taong pumunta kay Juan ay mga Pariseo.

25. Tinanong nila ulit si Juan, “Bakit ka nagbabautismo kung hindi naman pala ikaw ang Cristo, o si Elias, o ang Propeta?”

26. Sumagot si Juan, “Nagbabautismo ako sa tubig, ngunit may nakatayong kasama ninyo na hindi ninyo nakikilala.

27. Siya ang sinasabi kong darating na kasunod ko, at ni hindi man lang ako karapat-dapat na maging alipin niya.”

28. Nangyari ito sa Betania, sa kabila ng Ilog ng Jordan, kung saan nagbabautismo si Juan.

29. Kinabukasan, nakita ni Juan si Jesus na papalapit sa kanya. Sinabi niya sa mga tao, “Narito na ang Tupa ng Dios na ihahandog upang mag-alis ng kasalanan ng mga tao sa mundo!

Juan 1