2. Sa simula paʼy kasama na siya ng Dios.
3. Nilikha ang lahat ng bagay sa pamamagitan niya, at walang anumang nalikha nang hindi sa pamamagitan niya.
4. Ang Salita ang pinagmumulan ng buhay, at ang buhay na itoʼy ilaw, dahil ito ang nagbibigay-liwanag sa mga tao.
5. Ang ilaw na itoʼy nagliliwanag sa kadiliman, at hindi ito nadaig ng kadiliman.
6. Isinugo ng Dios ang isang tao na ang pangalan ay Juan.
7. Isinugo siya upang magpatotoo kung sino ang ilaw, upang sa pamamagitan ng kanyang patotoo ay sumampalataya ang lahat ng tao.
8. Hindi si Juan ang mismong ilaw, kundi naparito siya upang magpatotoo kung sino ang ilaw.
9. Ang tunay na ilaw na nagbibigay-liwanag sa lahat ng tao ay dumating na sa mundo.
19-20. Pinapunta ng mga pinuno ng mga Judio sa Jerusalem ang ilang mga pari at Levita upang tanungin si Juan kung sino talaga siya. Tinapat sila ni Juan. Sinabi niya, “Hindi ako ang Cristo.”
21. Nagtanong sila, “Kung ganoon, sino ka? Ikaw ba si Propeta Elias?” Sumagot siya, “Hindi.” Tinanong pa nila si Juan, “Ikaw ba ang Propeta na ipinangakong darating?” “Hindi rin,” sagot ni Juan.
22. “Kung ganoon, sino ka talaga? Sabihin mo sa amin para may maisagot kami sa mga nagsugo sa amin. Ano ang masasabi mo tungkol sa sarili mo?”
23. Sumagot si Juan, “Ako ang taong binanggit ni Propeta Isaias nang sabihin niya,‘Maririnig ang sigaw ng isang tao sa ilang na nagsasabi,Tuwirin ninyo ang dadaanan ng Panginoon.’ ”
24. Ang mga nagsugo sa mga taong pumunta kay Juan ay mga Pariseo.
25. Tinanong nila ulit si Juan, “Bakit ka nagbabautismo kung hindi naman pala ikaw ang Cristo, o si Elias, o ang Propeta?”
26. Sumagot si Juan, “Nagbabautismo ako sa tubig, ngunit may nakatayong kasama ninyo na hindi ninyo nakikilala.
27. Siya ang sinasabi kong darating na kasunod ko, at ni hindi man lang ako karapat-dapat na maging alipin niya.”