Josue 9:5-14 Ang Salita ng Dios (ASND)

5. Nagsuot sila ng mga lumang damit at mga sandalyas na pudpod at tagpi-tagpi. Nagbaon sila ng matitigas at inaamag na mga tinapay.

6. Pagkatapos, pumunta sila kay Josue sa kampo ng Israel sa Gilgal, at sinabi sa kanya at sa mga Israelita, “Pumunta kami rito galing sa malayong lugar para hilingin sa inyo na gumawa kayo ng kasunduan sa amin na hindi nʼyo gagalawin ang mga mamamayan namin.”

7. Pero sumagot ang mga Israelita, “Baka taga-rito rin kayo malapit sa amin. Kaya hindi kami maaaring gumawa ng kasunduan sa inyo.”

8. Nagmakaawa sila kay Josue, “Handa po kaming maging lingkod ninyo.” Nagtanong si Josue sa kanila, “Sino kayo at saan kayo nanggaling?”

9. Sumagot sila, “Galing po kami sa napakalayong lugar. Pumunta kami rito dahil narinig namin ang tungkol sa Panginoon na inyong Dios. Nabalitaan din namin ang lahat ng kanyang ginawa sa Egipto,

10. at sa dalawang hari na Amoreo sa silangan ng Jordan na sina Haring Sihon ng Heshbon, at Haring Og ng Bashan na nakatira sa Ashtarot.

11. Kaya inutusan kami ng mga tagapamahala at mga kababayan namin na maghanda ng pagkain at pumunta rito, at makipagkita sa inyo para sabihin na handa kaming maglingkod sa inyo bastaʼt gumawa lang kayo ng kasunduan sa amin na hindi nʼyo kami gagalawin.

12. Tingnan nʼyo po ang tinapay namin, mainit pa ito pag-alis namin, pero ngayon matigas na at durug-durog pa.

13. Itong mga sisidlang-balat ay bago pa nang salinan namin ng alak, pero tingnan nʼyo po, sira-sira na ito. Ang mga damit at sandalyas namin ay naluma na dahil sa malayong paglalakbay.”

14. Naniwala at tinanggap ng mga Israelita ang mga ebidensya na dala nila, pero hindi sila nagtanong sa Panginoon tungkol dito.

Josue 9