Josue 9:1-7 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Narinig ng lahat ng hari sa kanluran ng Jordan ang pagtatagumpay ng mga Israelita. (Ito ay ang mga hari ng mga Heteo, Amoreo, Cananeo, Perezeo, Hiveo, at mga Jebuseo.) Nakatira sila sa mga kabundukan, kaburulan sa kanluran at sa baybayin ng Dagat ng Mediteraneo hanggang sa Lebanon.

2. Nagtipon silang lahat para makipaglaban kay Josue at sa Israel.

3. Pero nang marinig ng mga taga-Gibeon ang ginawa ni Josue sa Jerico at Ai,

4. naghanap sila ng paraan para lokohin si Josue. Nagpadala sila ng mga tao kay Josue, ang mga asno nilaʼy may mga kargang lumang sako at mga sisidlang-balat ng alak na sira-sira at tagpi-tagpi.

5. Nagsuot sila ng mga lumang damit at mga sandalyas na pudpod at tagpi-tagpi. Nagbaon sila ng matitigas at inaamag na mga tinapay.

6. Pagkatapos, pumunta sila kay Josue sa kampo ng Israel sa Gilgal, at sinabi sa kanya at sa mga Israelita, “Pumunta kami rito galing sa malayong lugar para hilingin sa inyo na gumawa kayo ng kasunduan sa amin na hindi nʼyo gagalawin ang mga mamamayan namin.”

7. Pero sumagot ang mga Israelita, “Baka taga-rito rin kayo malapit sa amin. Kaya hindi kami maaaring gumawa ng kasunduan sa inyo.”

Josue 9