6. Kaya tinawag ni Josue na anak ni Nun ang mga pari at sinabi sa mga ito, “Dalhin nʼyo ang Kahon ng Kasunduan. Mauuna ang pito sa inyo na may dalang trumpeta ang bawat isa.”
7. At sinabi rin niya sa mga tao, “Lumakad na kayo! Paikutan nʼyo ang lungsod. Ang ibang mga sundalo ay mauuna sa pitong pari na may dalang trumpeta.”
8. Ayon sa sinabi ni Josue, nauna ang pitong pari sa Kahon ng Kasunduan at pinatunog nila ang mga trumpeta nila.
9. Ang ibang mga sundalo ay nauuna sa mga pari, at may iba pang sumusunod sa Kahon ng Kasunduan. Walang hinto ang pagtunog ng mga trumpeta.
10. Pero sinabi ni Josue sa mga tao na huwag sumigaw o kayaʼy mag-ingay hanggaʼt hindi pa niya inuutos na sumigaw.
11. Ayon sa iniutos ni Josue, inikot nila sa lungsod ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon ng isang beses. Pagkatapos, bumalik sila sa kampo nila at doon natulog kinagabihan.
12. Kinaumagahan, maagang bumangon si Josue. Muling dinala ng mga pari ang Kahon ng Kasunduan,
13. at ang pito sa kanila ay nauna pa rin sa Kahon ng Kasunduan na nagpapatunog ng kanilang mga trumpeta. At ganoon din ang ginawa ng mga sundalo – ang iba sa kanila ay nasa unahan ng Kahon ng Kasunduan at ang ibaʼy nasa hulihan, habang patuloy na pinapatunog ang mga trumpeta.
14. Nang ikalawang araw, inikot nila ulit ang lungsod ng isang beses, at pagkatapos, bumalik sila sa kampo nila. Ganoon ang ginawa nila sa loob ng anim na araw.
15. Nang ikapitong araw, madaling-araw pa lang ay bumangon na sila at inikutan ang lungsod ng pitong beses, sa ganoon ding paraan. Iyon lang ang araw na umikot sila sa lungsod ng pitong beses.