Josue 4:10-19 Ang Salita ng Dios (ASND)

10. Nanatiling nakatayo sa gitna ng ilog ang mga pari hanggang sa matapos ng mga tao ang lahat ng iniutos ng Panginoon kay Josue, na ayon din sa iniutos ni Moises kay Josue.

11. Nang makatawid na silang lahat, itinawid din ang Kahon ng Kasunduan. At nauna ulit ang mga pari sa mga tao.

12. Tumawid din at nauna sa mga tao ang mga lalaking armado mula sa lahi nina Reuben, Gad at kalahating lahi ni Manase, ayon sa iniutos ni Moises sa kanila.

13. Ang 40,000 armadong lalaki ay dumaan sa presensya ng Panginoon at pumunta sa Kapatagan ng Jerico para makipaglaban.

14. Nang araw na iyon, pinarangalan ng Panginoon si Josue sa harap ng mga Israelita. At iginalang si Josue ng mga tao sa buong buhay niya gaya ng ginawa ng mga tao kay Moises.

15. Pagkatawid noon ng mga Israelita sa Ilog ng Jordan, sinabi ng Panginoon kay Josue,

16. “Utusan mo ang mga paring may buhat ng Kahon ng Kasunduan, na umahon na sila sa Ilog ng Jordan.”

17. At sinunod iyon ni Josue.

18. Kaya umahon ang mga pari na dala ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon. At pagtapak nila sa pampang, dumaloy ulit ang tubig at umapaw gaya ng dati.

19. Ang pagtawid ng mga Israelita sa Ilog ng Jordan ay nangyari nang ikasampung araw ng unang buwan. Pagkatapos, nagkampo ang mga Israelita sa Gilgal, sa gawing silangan ng Jerico.

Josue 4