2. Pagkalipas ng tatlong araw, nag-ikot sa kampo ang mga pinuno
3. at sinabi sa mga tao, “Kapag nakita nʼyong dinadala ng mga pari na ma Levita ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon na inyong Dios, sumunod kayo sa kanila,
4. para malaman nʼyo kung saan kayo dadaan, dahil hindi pa kayo nakakadaan doon. Pero huwag kayong lalapit sa Kahon ng Kasunduan; magkaroon kayo ng agwat na isang kilometro.”
5. Pagkatapos, sinabi ni Josue sa mga tao, “Linisin nʼyo ang inyong sarili dahil bukas ipapakita sa inyo ng Panginoon ang mga kamangha-manghang bagay.”
6. Sinabi rin ni Josue sa mga pari, “Dalhin nʼyo na ang Kahon ng Kasunduan at mauna kayo sa mga tao.” Sinunod nila ang sinabi ni Josue.
7. At sinabi ng Panginoon kay Josue, “Sa araw na ito, pararangalan kita sa harap ng lahat ng Israelita para malaman nilang sumasaiyo ako gaya ng pagsama ko kay Moises.
8. Sabihin mo sa mga paring tagabuhat ng Kahon ng Kasunduan na pagtapak nila sa Ilog ng Jordan ay huminto muna sila.”
9. Kaya tinawag ni Josue ang mga tao, “Halikayo sasabihin ko sa inyo kung ano ang sinabi ng Panginoon na inyong Dios.
14-15. Anihan noon at umaapaw ang tubig sa pampang ng ilog ng Jordan. Umalis ang mga tao sa mga kampo nila para tumawid sa ilog. Nauuna sa kanila ang mga paring buhat ang Kahon ng Kasunduan. Paglusong ng mga pari sa ilog,
16. huminto agad sa pagdaloy ang tubig. Naipon ang tubig sa malayo, sa lugar na tinatawag na Adam – isang bayan malapit sa Zaretan. Walang tubig na dumaloy papunta sa Dagat na Patay, kaya nakatawid ang mga tao sa lugar na malapit sa Jerico.
17. Nakatayo sa gitna ng natuyong ilog ang mga pari na buhat ang Kahon ng Kasunduan habang tumatawid ang mga Israelita. Hindi sila umalis doon hanggaʼt hindi nakakatawid ang lahat.