Josue 3:1-11 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Maaga paʼy bumangon na si Josue at ang lahat ng mga Israelita. Umalis sila sa Shitim at pumunta sa Ilog ng Jordan. Nagkampo muna sila roon bago sila tumawid.

2. Pagkalipas ng tatlong araw, nag-ikot sa kampo ang mga pinuno

3. at sinabi sa mga tao, “Kapag nakita nʼyong dinadala ng mga pari na ma Levita ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon na inyong Dios, sumunod kayo sa kanila,

4. para malaman nʼyo kung saan kayo dadaan, dahil hindi pa kayo nakakadaan doon. Pero huwag kayong lalapit sa Kahon ng Kasunduan; magkaroon kayo ng agwat na isang kilometro.”

5. Pagkatapos, sinabi ni Josue sa mga tao, “Linisin nʼyo ang inyong sarili dahil bukas ipapakita sa inyo ng Panginoon ang mga kamangha-manghang bagay.”

6. Sinabi rin ni Josue sa mga pari, “Dalhin nʼyo na ang Kahon ng Kasunduan at mauna kayo sa mga tao.” Sinunod nila ang sinabi ni Josue.

7. At sinabi ng Panginoon kay Josue, “Sa araw na ito, pararangalan kita sa harap ng lahat ng Israelita para malaman nilang sumasaiyo ako gaya ng pagsama ko kay Moises.

8. Sabihin mo sa mga paring tagabuhat ng Kahon ng Kasunduan na pagtapak nila sa Ilog ng Jordan ay huminto muna sila.”

9. Kaya tinawag ni Josue ang mga tao, “Halikayo sasabihin ko sa inyo kung ano ang sinabi ng Panginoon na inyong Dios.

10. Ngayon, malalaman nʼyo na sumasainyo ang buhay na Dios, dahil siguradong itataboy niya papalayo sa inyo ang mga Cananeo, Heteo, Hiveo, Perezeo, Girgaseo, Amoreo at mga Jebuseo.

11. Tiyakin nʼyo na ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon na makapangyarihan sa buong mundo ay mauuna sa inyo sa pagtawid sa Ilog ng Jordan.

Josue 3