14. “Kaya ngayon, igalang nʼyo ang Panginoon at paglingkuran na may katapatan. Itakwil na ninyo ang mga dios-diosang sinasamba noon ng mga ninuno nʼyo sa kabila ng Ilog ng Eufrates at sa Egipto, at maglingkod kayo sa Panginoon.
15. Pero kung ayaw nʼyong maglingkod sa Panginoon, mamili kayo ngayon sa araw na ito kung sino ang paglilingkuran ninyo. Maglilingkod ba kayo sa mga dios na pinaglilingkuran ng mga ninuno nʼyo sa kabila ng Ilog ng Eufrates, o sa mga dios ng mga Amoreo na ang lupain ay tinitirhan nʼyo ngayon? Pero para sa akin at sa pamilya ko maglilingkod kami sa Panginoon.”
16. Sumagot ang mga tao, “Wala sa isipan naming tumalikod sa Panginoon at maglingkod sa ibang mga dios.
17. Ang Panginoon na ating Dios mismo ang naglabas sa atin at sa mga ninuno natin sa pagkaalipin doon sa Egipto. Nakita rin natin ang mga himalang ginawa niya. Iningatan niya tayo sa paglalakbay natin sa mga bansang dinadaanan natin.
18. Itinaboy niya ang mga Amoreo at ang ibang mga bansa na naninirahan sa mga lupaing ito. Kaya maglilingkod din kami sa Panginoon, dahil siya ang Dios namin.”
19. Sinabi ni Josue sa mga tao, “Hindi kayo makapaglilingkod sa Panginoon dahil siyaʼy banal na Dios at ayaw niya na may sinasamba kayong iba. Hindi niya babalewalain ang pagrerebelde at mga kasalanan ninyo.
20. Kapag itinakwil nʼyo ang Panginoon at naglingkod kayo sa ibang dios, magagalit siya sa inyo at paparusahan niya kayo. Lilipulin niya kayo kahit na noon ay naging mabuti siya sa inyo.”
21. Pero sumagot ang mga tao kay Josue, “Maglilingkod kami sa Panginoon.”
22. Sinabi ni Josue, “Kayo mismo ang mga saksi sa mga sarili nʼyo na pinili ninyong paglingkuran ang Panginoon.” Sumagot sila, “Oo, mga saksi kami.”