1. Tinipon ni Josue ang lahat ng lahi ng Israel sa Shekem. Tinawag niya ang mga tagapamahala, mga pinuno, mga hukom at mga opisyal ng Israel, at lumapit sila sa presensya ng Dios.
2. Sinabi ni Josue sa lahat ng tao, “Ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel, ‘Noon, ang mga ninuno nʼyo ay nakatira sa kabila ng Ilog ng Eufrates at sumamba sa ibang mga dios-diosan. Isa sa kanila ay si Tera na ama nina Abraham at Nahor.
3. Pero kinuha ko si Abraham sa lugar na iyon at pinapunta papunta sa lupain ng Canaan at binigyan ng maraming lahi. Naging anak niya si Isaac,
4. at naging anak naman ni Isaac sina Esau at Jacob. Ibinigay ko kay Esau ang kabundukan ng Seir bilang bahagi niya pero si Jacob at ang mga anak niya ay pumunta sa Egipto.
5. Pagkatapos, isinugo ko sina Moises at Aaron sa Egipto at pinadalhan ko ng mga salot ang mga Egipcio, at inilabas roon ang inyong mga ninuno.
6. Pero nang makarating ang mga ninuno nʼyo sa Dagat na Pula, hinabol sila ng mga Egipcio na may mga kabayo at mga karwahe.
7. Humingi ng tulong sa akin ang inyong mga ninuno at nilagyan ko ng kadiliman ang pagitan nila at ng mga Egipcio. At nilunod ko agad ang mga Egipcio sa dagat. Nakita mismo ng inyong mga ninuno ang ginawa ko sa mga Egipcio. At tumira kayo sa disyerto nang mahabang panahon.
8. “ ‘Pagkatapos, dinala ko kayo sa lupain ng mga Amoreo sa silangan ng Ilog ng Jordan. Nakipaglaban sila sa inyo, pero pinagtagumpay ko kayo sa kanila. Nilipol ko sila at nasakop nʼyo ang lupain nila.
9. Pagkatapos, nakipaglaban sa Israel ang hari ng Moab na si Balak na anak ni Zipor. Inutusan niya si Balaam na anak ni Beor na sumpain kayo.
10. Pero hindi ko pinahintulutan si Balaam na gawin ito sa inyo. Sa halip, binasbasan kayo ni Balaam, at iniligtas ko kayo sa kamay ni Balak.
11. “ ‘Pagkatapos, tumawid kayo sa Ilog ng Jordan at nakarating sa Jerico. Nakipaglaban sa inyo ang mga taga-Jerico, ganoon din ang mga Amoreo, Perezeo, Cananeo, Heteo, Gergaseo, Hiveo at Jebuseo. Pinagtagumpay ko kayo laban sa kanila.
12. Pinadalhan ko ng mga putakti ang dalawang haring Amoreo para itaboy sila bago pa kayo dumating. Nanalo kayo hindi dahil sa inyong mga espada at pana.
13. Binigyan ko kayo ng lupaing hindi nʼyo pinaghirapan. Pinatira ko kayo sa mga lungsod na hindi kayo ang nagtatag. Kumakain kayo ngayon ng mga ubas at mga olibo na hindi kayo ang nagtanim.’
14. “Kaya ngayon, igalang nʼyo ang Panginoon at paglingkuran na may katapatan. Itakwil na ninyo ang mga dios-diosang sinasamba noon ng mga ninuno nʼyo sa kabila ng Ilog ng Eufrates at sa Egipto, at maglingkod kayo sa Panginoon.
15. Pero kung ayaw nʼyong maglingkod sa Panginoon, mamili kayo ngayon sa araw na ito kung sino ang paglilingkuran ninyo. Maglilingkod ba kayo sa mga dios na pinaglilingkuran ng mga ninuno nʼyo sa kabila ng Ilog ng Eufrates, o sa mga dios ng mga Amoreo na ang lupain ay tinitirhan nʼyo ngayon? Pero para sa akin at sa pamilya ko maglilingkod kami sa Panginoon.”
16. Sumagot ang mga tao, “Wala sa isipan naming tumalikod sa Panginoon at maglingkod sa ibang mga dios.