Josue 22:13-27 Ang Salita ng Dios (ASND)

13. Inutusan ng mga Israelita si Finehas, na anak ng paring si Eleazar na pumunta sa lahi nina Reuben, Gad at kalahating lahi ni Manase.

14. May kasama siyang sampung pinuno mula sa bawat lahi ng Israel. Bawat isa sa kanilaʼy mga pinuno ng mga sambahayan ng lahi nila.

15. Pagdating nila sa Gilead, sinabi nila sa lahi nina Reuben, Gad at sa kalahating lahi ni Manase,

16. “Gustong malaman ng buong mamamayan ng Panginoon kung bakit kayo tumalikod sa Dios ng Israel. Nagrebelde kayo sa Panginoon sa pagpapatayo nʼyo ng altar para sa sarili ninyo. Hindi kayo sumusunod sa kanya.

17. Nakalimutan nʼyo na ba ang kasalanan natin doon sa Peor? Dahil doon, pinadalhan tayo ng Panginoon ng salot at hanggang ngayon ay nagtitiis pa tayo. Hindi pa ba tayo natuto sa kamaliang iyon?

18. At ngayon, nagtangka pa kayong tumalikod sa Panginoon! Kung magrerebelde pa kayo sa kanya sa araw na ito, bukas ay magagalit siya sa buong bayan ng Israel.

19. Kaya kung ang lupain nʼyo ay hindi karapat-dapat na pagsambahan, tumawid kayo rito sa amin, sa lupain ng Panginoon kung saan naroon ang Tolda na pinagsasambahan sa kanya, at doon na kayo tumira. Pero huwag lang kayong magtatayo ng ibang altar maliban sa altar ng Panginoon na ating Dios, dahil iyan ay isang pagrerebelde sa kanya at sa amin.

20. Nakalimutan nʼyo na ba si Acan na anak ni Zera? Nang nilabag niya ang utos tungkol sa mga bagay na nakalaang ihandog ng buo sa Panginoon, pinarusahan siya at ang buong mamamayan ng Israel. Hindi lang siya ang namatay dahil sa kasalanan niya.”

21. Sumagot ang mga lahi nina Reuben, Gad at kalahating lahi ni Manase sa mga pinuno,

22. “Ang Panginoon po ay ang Makapangyarihang Dios! Ang Panginoon po ay ang Makapangyarihang Dios! Nalalaman po niya kung bakit namin ito ginawa, at dapat din ninyong malaman. Kung nagrebelde kami o kayaʼy lumabag sa Panginoon, patayin nʼyo kami sa araw na ito.

23. Kung nilabag namin ang Panginoon dahil sa pagpapatayo namin ng sariling altar para alayan namin ng mga handog na sinusunog, handog bilang pagpaparangal sa Panginoon, o kayaʼy handog para sa mabuting relasyon, ang Panginoon sana ang magparusa sa amin.

24. “Ginawa namin ito dahil natakot kami na baka dumating ang panahon na sabihin ng mga kaapu-apuhan nʼyo sa mga kaapu-apuhan namin ang ganito, ‘Ano ang pakialam nʼyo sa Panginoon, ang Dios ng Israel?

25. Ginawa na ng Panginoon na hangganan ang Ilog ng Jordan para ihiwalay kayo sa amin. Kayong mga lahi nina Reuben at Gad, wala kayong bahagi sa Panginoon.’ Baka ang mga kaapu-apuhan nʼyo ang siyang magpahinto sa mga kaapu-apuhan namin sa pagsamba sa Panginoon.

26. Kaya ipinatayo namin ang altar, hindi para sa mga handog na sinusunog o sa iba pang mga handog,

27. kundi para maging tanda para sa amin, sa inyo, at para sa mga susunod nating henerasyon na sinasamba namin ang Panginoon sa pamamagitan ng mga handog na sinusunog, mga handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at ng iba pang mga handog na naroon sa Tolda niya. Kaya hindi makapagsasabi ang mga kaapu-apuhan nʼyo sa mga kaapu-apuhan namin ang ganito, ‘Wala kayong pakialam sa Panginoon!’

Josue 22